ELEVATED EXPRESSWAY VS TRAPIK

Erick Balane Finance Insider

INIALOK ni San Miguel Corporation President and Chief Executive Officer Ramon S. Ang kay Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte ang pagtatayo ng elevated expressway sa EDSA bilang pinakamainam na solusyon sa hindi malutas-lutas na problema sa trapiko sa Metro Manila.

Ang naturang proyekto ay pangangasiwaan mismo ng San Miguel Corporation na pag-aari ni Mr. Ang. Mungkahi ni Mr. Ang, magtayo ng 10-lane elevated expressway para madagdagan ang madaraanang kalsada ng mga motorista sa kahabaan ng EDSA.

Ang panukala ay inihayag ni Ang sa mga finance and business reporter matapos nilang lagdaan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang concession agreement para sa pagtatayo ng P735 milyong Bulacan airport.

Ayon kay Ang, magsusumite sila ng proposal sa DOTr sa mga susunod na araw kaugnay sa planong pagtatayo ng ele­vated road sa EDSA.

Samantala, umapela si Ang kay Senadora Grace Poe, chairman ng Senate Public Services Committee, na pagbigyan ang hinihiling ni Secretary Tugade na  ‘emergency powers’ para malutas ang lumalalang problema sa trapiko sa Metro Manila.

“Si Mr. Tugade ay isang marangal na tao, mahusay at matalinong opisyal ng Duterte admi­nistration. Aking hinihi­ling kay Senadora Grace na sana’y pagbigyan ang hinihingi nitong ‘emergency powers’ ng Pangulo na sa aking pananaw ay siyang natatanging kalutasan sa napakalaking problema sa trapiko,” ani Ang.

Sinabi ni Ang na si Secretary Tugade ay tulad ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar na dedicated sa trabaho para matugunan ang mga proyekto na ang taumba­yan ang makikinabang.

“Kung napagbigyan lang sana ang emergency powers noon, dapat nga­yon ay nirerepaso na natin ‘yung mga nagawa. Kami ay umaasa na mabigyang-pansin kami na mapagkalooban ng emergency powers ni Senator Poe,” pahayag ni  Tugade.

Paliwanag naman ni Poe: “There are alternative modes of procurement that is allowed under existing laws. May mga bagay na hindi kailangan ng ‘emergency powers. ‘Yung ating trains ay hindi kailangan ng ‘emergency powers’ para ma-acquire.”

Matatandaang  maraming ulit nang hiniling ng Pangulo sa Senado na bigyan siya ng ‘emergency powers’ para sa agarang paglutas sa suliranin sa lumalalang traffic problem ng bansa.



Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag-email sa [email protected].

Comments are closed.