MAINIT ulit ang isyu sa tumitinding trapik sa EDSA. Bumalik at nagparamdam ulit ang bagong pinuno ng Highway Patrol Group (HPG) na si Brig. Gen. Roberto Fajardo. Matatandaan na ang huling mabigat na balita tungkol sa HPG na nailagay sa pahayagan ay ang ayuda nila na kayang makamtan ang pangarap ni Pangulong Duterte na makukuha sa limang minuto ang biyahe mula sa Makati hanggang Cubao. Ito ay noong buwan ng Hunyo. Tila wala yatang nangyari sa pangarap na ito.
Ngayong papasok ang buwan ng Setyembre, nagbalik ulit sa balita ang HPG. Magtatalaga raw sila ng mahigit 150 enforcers mula sa kanilang departamento upang tumulong sa lumalalang trapik sa kahabaan ng EDSA. Nagpahayag pa si Gen. Fajardo na mahigpit niyang tututukan ang kanyang mga tauhan na dapat nakabilad sa araw na nagmamando ng trapik. Hindi raw puwede ‘yung pabandying-bandying na mga tauhan ng HPG na nasa loob ng kanilang sasakyan na nakasindi ang aircon habang nakailaw lamang ang kanilang emergency light na nasa tuktok ng kanilang bubungan.
Bukod daw riyan ay titingnan niya ang kanyang mga tauhan kung talagang nakabilad sa araw at nagmamando ng trapik sa EDSA. Kapag hindi raw kulay sunog sa araw ang kanyang tauhan, ito raw ay palatandaan na hindi wasto ang kanyang trabaho.
Samantala, bukod sa HPG, mukhang nagkakahawaan na ang mga LGU sa Metro Manila. Ito ay dahil sa deadline na ibinigay ni Duterte para linisin ang mga kalsada sa mga ilegal na vendor at mga nakahambalang na sasakyan na nakaparada sa kalye na walang sariling garahe. Ito ang mga mabigat na dahilan kung bakit nagsisikip ang daloy ng trapik sa ating Mabuhay Lanes. Nagsisilbing aternatibong daan ito upang makabawas ng sasakyan sa EDSA.
Ang mga mas kapansin-pansin ngayon sa nasabing kampanya ay ang lungsod ng Maynila, Pasig, Pasay, San Juan at QC.
Subalit bukod sa sobrang dami ng mga sasakyan sa kalsada na sanhi ng trapik, kapansin-pansin din ang sangkatutak na commuters na nakahambalang sa tabi ng kalye. Madalas ay okupado nila ang isa o dalawang lanes upang makauna lamang sa sakayan. Dapat ay bigyang pansin din ang aspetong ito. Ang kawalan ng disiplina ng mga commuter na hindi pumupunta sa tamang sakayan at babaan ay nagdaragdag din sa trapik. Doon tuloy pumupunta ang mga pampublikong sasakyan upang makakuha ng pasahero.
May nagpanukala na magkaroon na tayo ng isang elevated walkway kung saan doon maglalakad ang ating mga pasahero. Aminin na natin. Ang ating mga sidewalk, maski na tanggalin mo ang mga illegal vendor ay sadyang masikip at makitid pa rin. Napipilitan tuloy ang mga commuter na okupahin ang mga kalye upang maglakad.
Alam ba ninyo na sa mga bansang Japan, Singapore, Amerika at iba pang progresibong bansa na may subway o tren sa ilalim ng lupa ay roon mo makikita lahat ng commuters? Kung ano ang dami ng mga commuter na nakikita natin sa ating lansangan, hindi mo sila makikita sa mga nasabi kong bansa. Nasa ilalim lahat sila.
Subalit magastos at matagal ang gugugulin na panahon upang magawa ito. Ang pinakamabilis ay ang sinasabing elevated walkways. Nasa itaas ang kaguluhan ng paglalakad. Maaaring palawakin ang lakaran. Mas malinis. Maaaring ipagbawal doon ang mga illegal vendor. Kapag doon ka maglalakad, ang bababaan ay kung saan lamang tumitigil ang mga pampublikong sasakyan. Palagay ko ay panahon na upang seryosong pag-aralan ito ng DOTr.
Comments are closed.