Mga laro ngayon:
(Cagayan de Oro City)
5 p.m. – Meralco vs Magnolia
NAGBUHOS si Allein Maliksi ng game-high 29 points, 6 rebound at 5 assists upang pangunahan ang Blackwater sa 106-100 pagbasura sa Columbian at putulin ang four-game skid sa PBA Philippine Cup kagabi sa Mall of Asia Arena.
Nagdagdag si Mac Belo ng 22 markers at 9 rebounds at gumawa si rookie Paul Desiderio ng 10 points at krusyal na endgame play para sa Elite.
Sa kanyang unang laro sa season, kumamada si Rabeh Al-Hussaini ng 11 points at apat na rebounds sa loob ng 18 minuto.
Ang panalo ay ikalawa pa lamang sa walong laro ng Blackwater para sa ika-11 puwesto. Kailangang walisin ng koponan ang lahat ng kanilang nalalabing tatlong laro para magkaroon ng tsansa kahit man lamang sa playoff para sa huling puwesto sa top eight na aabante sa susunod na round.
Sa kabila nito ay nagpahayag ng kasiyahan si coach Bong Ramos sa ipinakita ng kanyang tropa na taliwas sa kanilang endgame collapse sa 101-103 pagkatalo sa Alaska noong nakaraang Peb. 13.
“At least we know how to finish the game already,” wika ni Ramos. “We were able to finish the game strong.
“Natuwa ako sa mga players dahil they really want to win today. I’m happy to get this win.”
Nabigo ang Columbian na masundan ang 86-85 panalo laban sa Meralco noong nakaraang Miyerkoles at bumagsak ang Dyip sa 3-5 kartada.
Bumawi si CJ Perez mula sa eight-point game kontra Bolts upang tumapos na may 22, habang nag-init si Rashawn McCarthy sa second half upang tumipa ng 18.
Mula sa bench ay kumana si Glenn Khobuntin ng 17 points sa perfect 6-of-6 clip mula sa field.
Sinabi ni Ramos na nakatulong sa kanilang panalo ang ensayo ng koponan noong nakaraang linggo na nakapokus sa karaniwang laro ng Columbian.
“Nakatulong talaga ‘yung two weeks na walang laro,” ani Ramos. “So, wala kaming ginawa kundi ‘yung ginagawa lang ng Dyip. Tiningnan lang namin kung ano ang bagong ginawa nila last Wednesday and we saw that. So, idinagdag lang namin kahapon.”
Iskor:
Blackwater (106) – Maliksi 29, Belo 22, Deaiderio 12, Sumang 11, Al-Hussaini 11, Javier 6, Banal 5, Sena 4, Digregorio 4, Jose 1, Tratter 1, Cor-tez 0, Alolino 0.
Columbian (100) – Perez 22, McCarthy 18, Khobuntin 17, Camson 13, Escoto 7, Corpuz 7, Calvo 5, Faundo 3, Cabrera 3, Agovida 2, Cahilig 0.
QS: 24-19, 51-50, 78-75, 106-100.
Comments are closed.