ISABELA – IPINAKILALA ng Department of Science and Technology (DOST) kasama ang Isabela State University (ISU) ang bagong panganak na kambing sa pamamagitan ng Embryo Transfer (ET) na teknolohiya.
Ang limang anak ng kambing ay ginawa mula sa semilya ng isang purong Boer buck at ang mga egg cell ng tatlong dam na may mga bloodline na 50 porsiyentong Boer, 25 porsiyentong Anglo Nubian at 25 porsiyentong Katutubong kambing.
Sa pamamagitan ng gabay at kadalubhasaan ng DOST BalikScientist na si Dr. Miguel Mervin Pajate, inalalayan niya ang ISU Project Team sa pagtatayo ng laboratoryo para sa laparoscopic ET.
Ang matagumpay na pagbubuntis ng mga surrogates ay sinusubaybayan ng isang grupo na pinamumunuan ni Dr. Jonathan N. Nayga ng ISU.
“Through embryo transfer technology, the Philippines can harness the economic and nutritional advantages of a robust goat industry,” ani DOST Secretary Renato U. Solidum Jr.
“The goat industry is a viable business opportunity for local entrepreneurs since it requires minimal upkeep and low investment cost. Through embryo transfer, our local goat industry has the opportunity to improve the health and productive performances of the local livestock,” anang kalihim.
Ang nasabing proyekto ay bahagi ng programa ng R&D ng DOST.
Sinabi ni Dr. Leah Buendia, Undersecretary ng R&D, DOST na simula ng maging batas ang Balik Scientist Program, nadagdagan ang mga benepisyo para sa mga nagbabalik Scientist.
Kaya naman mas marami na sa ngayon ang nakibahagi sa nasabing programa na tumutulong sa mga bagong inobasyon gaya ng kalulunsad na proyekto.
LIZA SORIANO