MAGTUTULOY-TULOY ang ilang mga programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) kabilang ang emergency employment sa mga apektado ng COVID-19 matapos na makakuha ng exemption sa Commission on Elections (Comelec) sa pagbabawal ng public spending sa panahon ng eleksiyon.
Ikinatwiran ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa Comelec ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na implementasyon ng mga programa sa gitna ng eleksiyon dahil pawang mga mahihirap na sektor at manggagawa ang benepisaryo ng mga ito.
Tinukoy naman ni DOLE Bureau of Workers with Special Concerns Director Ma. Karina Trayvilla ang limang programa nito na binigyan ng exemption ng Comelec, kabilang ang:
- Tulong Panghanapbuhay para sa ating Displaced/Disadvantaged o TUPAD program na mayroong target na mahigit kalahating milyon hanggang 4.7 milyong benepisaryo;
- Government Internship Program (GIP) na may mahigit 18,800 na beneficiaries;
- Jobstart Philippines Program (JSP) na may isanlibong youth beneficiaries;
- Special Program for Employment of Students (SPES) na may mahigit 75,700 benepisaryo; at
- DOLE Child Labor Prevention and Elimination Program (CLPEP). JEFF GALLOS