EMERGENCY EMPLOYMENT SA HINAGUPIT NI ‘KARDING’

MAGKAKALOOB ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng emergency employment sa mga apektado ni Super Typhoon Karding.

Nakikipag-ugnayan na ang DOLE sa mga lalawigang hinagupit ng bagyo para sa pagpapatupad ng naturang programa.

Ayon kay DOLE Undersecretary Benjo Benavidez, ang Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged and Displaced Workers Program (TUPAD) ay unang ipatutupad sa dalawang lalawigan sa Luzon na naapektuhan ng bagyo.

“Our Secretary (Bienvenido Laguesma) already has a directive to look into and implement it in areas that are heavily affected by the typhoon,” sabi ni Benavidez.

“In Quezon and Nueva Ecija, our regional directors are on the ground to coordinate with the affected areas,” dagdag pa niya.

Aniya, hindi pa sila nakabubuo ng tinatayang bilang ng mga benepisyaryo ng programa, na ipinatutupad lalo na pagkatapos ng kalamidad.

Sa ilalim ng programa, ang mga benepisyaryo ay bibigyan ng emergency employment na hindi bababa sa 10 araw hanggang 90 araw.

Makukuha ng mga manggagawa ang minimum wage sa rehiyon kung saan sila nagtrabaho.
LIZA SORIANO