KABUUANG 285 golfers, kabilang ang mahigit 100 professional golfers mula sa Professional Golfers Association of the Philippines (PGAP), ang sasabak sa 1st Pasay Mayor ‘Emi’ Cup Pro-Am golf championship na papalo sa Setyembre 20-21 sa Villamor golf course sa Pasay City.
Ibinida ng bagong halal na PGAP president Johnnel Bulawit na kabuuang P1 milyon ang premyo na inilaan para sa apat na kategorya – touring pro, teaching pro, seniors at super seniors – para sa kauna-unahang torneo ng asosasyon matapos ang mahabang taong pananahimik. Kabilang sa mga prominenteng pangalan sa industriya na nagparehistro sa torneo sina dating Asian Games campaigner Jonnel Ababa, Mars Pucay, Tony Lascuna, gayundin ang senior players na matagal na ring nakaligtan sa komunidad.
“Nagpapasalamat kami sa mga sponsors, sa tiwala ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, gayundin sa Eduardo Duay Calixto Foundation Inc. sa pangunguna ni Pasay City First Gentleman Edgardo ‘Ka Egay’ Rubiano at nabigyan ng pagkakataon ang ating mga pro golfers na mahabang taon ding naapektuhan ng pandemya,” sabi ni Bulawit sa ginanap na media conference nitong Martes sa Shakey’s Malate.
Ang dalawang araw na torneo ay isang fund-raising event kung saan benepisaryo ang mga estudyante, seniors at residente ng Pasay City, gayundin ang iba pang nasa ilalim ng programa ng Calixto Foundation.
Magsisimula ang shotgun tee off sa alas-6 ng umaga, habang ang second batch para sa first round ng torneo ay isasagawa sa alas-12 ng tanghali.
“Inaanyayahan po natin ang lahat na makiisa at sumali sa ating torneo, ‘yung mga amateur players may pagkakataob pa po kayong sumali rito sa ating torneo na may puso, dahil hindi lamang ang golfing community ang natulungan natin pati na rin ang ating mga kapus-palad na kababayan,” pahayag ni PGAP Executive Secretary Elisa Villalba.
-EDWIN ROLLON