EMOTIONAL EATING: DAHILAN AT SIMPLENG TRICKS PARA MAIWASAN

EMOTIONAL EATING

(Ni CT SARIGUMBA)

EMOTIONAL eating, ano nga ba ang dahilan nito at paano maiiwasan?

“Eating for any reason other than physical hunger” ganyan kung ilarawan ang emotional eating. Kumbaga, gina­gamit ang pagkain para maiwasan ang stressful situation o uncomfortable feeling. Ginagamit din ang pagkain bilang reward sa sarili.

Sabihin mang dahil sa pagkain ay nababawasan ang nadarama o stress, hindi pa rin ito nangangahulugang tuluyang nawala o nasolusyunan ang pangyayari. Pansamantala lang itong nawawala at bumabalik din.

Maraming dahilan ang emotional eating. Narito ang ilan:

UNCONSCIOUS EATING

Marami sa atin ang hindi conscious o aware sa kanilang kinakain at bakit sila patuloy na kumakain kahit pa, busog na o tapos nang kumain. Matatawag na unconscious eating kung tapos nang kumain ngunit pa­tuloy pa ring kumakain. Mahirap pigilan ang sariling kumain kapag nasa harapan na ang pagkain.

Isang solusyon para maiwasan ito ay ang maging aware o conscious sa ginagawa lalo na sa kinahihiligang pagkain.

Mainam din kung babagalan ang pagnguya at ngunguyaing mabuti ang pagkain bago ito lunukin.

KALIGAYAHAN ANG DULOT NG PAGKAIN

Tunay nga namang kaligayahan ang na­idudulot ng pagkain. Kadalasan nga, kapag masama ang loob ay pagkain kaagad ang tinatakbuhan imbes na kaibigan o kapamilya para lang ngumiti ang puso at kabuuan.

Oo, nakapagpapaganda ng pakiramdam ang pagkain lalo na kung ito ang gusto natin o paborito.

Kapag sobrang pagod tayo sa trabaho, masarap at maraming klase ng pagkain ang hinahanap-hanap ng ­ating isipan.

Tila ba, kapag nakakain tayo ng marami at masarap, mawawala ang pagod at stress na dulot ng buong araw na pagtatrabaho.

Panandalian, ika nga ang naidudulot ng pagkain.

Oo nga’t napakaimportanteng kumakain tayo para makuha ang nutrisyong kailangan natin, patuloy na maging malakas at magawa ang lahat ng mga gawaing nakaatang sa atin.

Gayunpaman, ma­ging maingat dapat tayo sa ating kinakain. Kumain lang din ng tama at kapag busog na, tumigil na.

Ginagamit din na­ting reward sa sarili ang pagkain.

Isang solusyon naman ay humanap ng ibang paraan upang hindi lang pagkain ang makapagdulot ng kaligayahan gaya ng pagtungo sa ibang lugar at pagba-bonding kasama ang pamilya at kaibigan.

GALIT SA MUNDO, MAGING SA SARILI

Isa pa sa dahilan kaya’t napapakain ng marami at walang tigil ay kapag galit sa mundo, sa mga taong nasa paligid at maging sa sarili.

May mga tao naman talagang tila pinagsakluban na ng mundo. Pero hindi ito dapat na maging dahilan upang masanay tayo sa emotional eating o gamitin natin ang pagkain para lang lumuwag ang pakiramdam.

Oo sabihin na na­ting naibsan ang lungkot o pagkaasar mo sa mga nangyayari sa paligid, ngunit kung iyon at iyon o kakain ka nang kakain, maraming puwedeng mangyari lalong-lalo na sa katawan mo at kalusugan.

ILAN SA PARAAN PARA MAIWASAN ANG EMOTIONAL EATING

Ang mga nabanggit sa itaas ay ilan lamang sa dahilan ng emotional eating, narito naman ang ilan pa sa paraan upang maiwasan ito:

IBALING ANG SARILI SA IBANG BAGAY

Pinakamainam na paraan upang maiba­ling sa ibang bagay ang emotional eating ay ang paglalakad.

Ang simpleng paglalakad ay malaki na ang maitutulong upang malingat sa isipan ang kagustuhang kumain nang kumain kahit na hindi naman nakadarama ng gutom.

Isa pa sa activity o puwedeng kahiligan ay ang pakikipag-usap o pakikipagkuwentuhan sa mga kaibigan at kapa­milya. Swak din ang pakikinig ng musika.

Habang ibinabaling mo ang sarili sa ibang bagay, mas mapadadali sa iyo ang malampasan ang stress o emotional eating.

KUMAIN NG MASUSTANSIYANG PAGKAIN KAPAG NAGUGUTOM

Isa nga naman sa dahilan kaya tayo kumakain ay dahil sa pagkalam ng ating sikmura. Nangungunang dahilan ito.

Para maiwasan ang emotional eating, maha­lagang nalalaman natin kung gutom nga ba tayo o hindi. At kapag nakadarama ng gutom, kumain ng masusustansiya. Sapat lang din ang kainin at huwag sosobrahan.

MAHALIN ANG SARILI

Panghuli, upang maiwasan o malampasan ang emotional eating, mahalin ang sarili. Sa pamamagitan nga naman ng pagmamahal sa sarili, kasabay nito ang pag-iingat—lalong-lalo na sa kabuuan at sa kalusugan.

Walang kasinsarap ang kumain nang kumain. Pero maging aware o conscious tayo sa ating kinakain—gayundin kung bakit tayo kumakain.

Dahil may ilan na sobra-sobra na kung kumain, hindi pa rin nila nalalamang emotional eating na pala ito. (photos mula sa healthyway, naturellindia.com, julierevelant.com)

Comments are closed.