EMPLEYADO NG CITY HALL ITINUMBA NG RIDING IN TANDEM

riding in tandem

MALABON CITY – HINDI na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang isang empleyado ng Malabon City Hall matapos pagbabarilin ng hindi kilalang riding-in-tandem criminal sa naturang lungsod, Lunes ng gabi.

Batay sa report ng pulisya ang biktima na idineklarang dead on arrival  sa Ospital ng Malabon sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ay nakilalang si Angelo Aquino, nasa hustong gulang at residente ng Sioson St., Brgy. Dampalit.

Ipinag-utos naman ni Malabon Police Chief P/Col. Jessie Tamayao sa kanyang mga tauhan ang follow-up operation sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek .

Sa imbestigasyon nina PSSG Ernie Baroy at PSSG Philip Cesar Apostol, bandang alas-10:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Gen. Luna St., Brgy. Damapalit.

Nabatid na sakay ang biktima sa kanyang bisikleta pauwi nang sumulpot mula sa likuran nito ang mga suspek na kapwa naka-jacket at helmet habang sakay ng isang motorsiklo at pinagbabaril si Aquino.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek patu­ngong Hulong-Duhat habang isinugod naman ang biktima sa naturang pagamutan.

Narekober ng mga tauhan ng SOCO sa crime scene ang tatlong basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang motibo sa insidente. EVELYN GARCIA

Comments are closed.