EMPLOYER NG OFW NA SINUNOG SA KUWAIT BANNED

KUWAIT

PINAGBAWALAN ng Department of Migrant Workers (DMW) ang employer ng overseas Filipino worker (OFW) na pinatay at sinunog sa Kuwait na mag-hire ng iba pang Pinoy workers.

“We imposed a preventive suspension on the employer of OFW Jullebee Ranara because we found out that there is a ground for the imposition of a disciplinary action in relation to the administrative case filed against the employer,” pahayag ni DMW Undersecretary Bernard Olalia sa The Source ng CNN Philippines.

Ayon sa DMW, ang sunog na katawan ng 35-year-old domestic helper ay natagpuan sa isang disyerto Linggo ng gabi.

Ang suspect, na 17-anyos na anak na lalaki ng employer ni Ranara, ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad.

Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang mga labi ni Ranara ay iuuwi sa Pilipinas sa Biyernes ng gabi.

Sinabi ni Olalia na hindi pa nila alam kung ano ang mangyayari sa suspect. Isang team mula sa DMW ang ipadadala, aniya, sa Kuwait para makipag-ugnayan sa kanilang counterparts doon upang matiyak na makakamit ang hustisya.

Sinisilip din ng mga awtoridad ang naging pagkukulang ng local recruiter Catalyst International Manpower Services Co. at ng foreign counterpart nito, ang Platinum International Office for Recruitment of Domestic Manpower, na naka-base sa Kuwait.

Ayon kay Olalia, nagkaroon ng kapabayaan sa panig ng mga recruiter dahil sa kabiguang patuloy na mag-monitor at magkaloob ng tulong sa pinaslang na OFW.

“If we find out that there is a ground, nagkaroon po sila ng pagkukulang sa (like there was lack of) monitoring then we will also impose the same sanction, pending the resolution of a recruitment violation kasi yung (because the) recruitment violation ‘pag napatunayan yan, hahantong po ‘yan sa (if proven will lead to) cancellation of the license of the agency,” paliwanag niya.