EMPLOYERS IULAT ANG KONDISYON NG OFWs – POEA

Bernard P. Olalia

PINAALALAHANAN ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga recruitment at manning agencies, kabilang ang foreign employer at principal, sa kanilang responsibilidad na i-monitor at i-report ang estado, kondisyon, o anumang mahalagang pangyayari ukol sa kanilang mga kinuhang manggagawa.

Pahayag ni Administrator Bernard P. Olalia na may ilang recruitment agency at employer ang hindi nagsusumite ng report ng mahalagang impormasyon tungkol sa kanilang mga kinuhang manggagawa dahil sa data privacy at confidentiality, na nagreresulta ng kakulangan sa monitoring report.

Subalit sinabi ni Olalia na ang hindi kumpletong report ay nangangahulugan ng hindi pagtalima sa patakaran ng POEA at iba pang alituntunin at ang data privacy ay hindi sapat na dahilan upang hindi sundin ang batas.

Pinapayagan sa umiiral na batas ang pagproseso ng personal na impormasyon ukol sa overseas Filipino worker. Pinahihintulutan sa ilalim ng Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 10173 o ang Data Privacy Act ng 2012 ang pagproseso ng personal na impormasyon kung “ang proseso ay kinakailangan upang protektahan ang mahalagang datos ng kinauukulan, gayundin ang kanyang buhay at kalusugan; at ang pagproseso ng personal na impormas­yon ay kinakailangan sa pagtupad sa konstitusyon at sa mandatong iniatas sa pagtupad ng tungkulin” (Rule V, Section 21. Criteria for Lawful Processing of Personal Information).

Sa inamyendahang Republic Act No. 8042, inaatasan ang POEA na “magbalangkas at magpatupad, kung kinakailangan, ng sistema ukol sa pangangalaga at pagbabantay sa pagtatrabaho ng Filipinong manggagawa sa ibang bansa at bibigyang konsideras­yon ang kanilang kapakanan at ang pangangailangan sa lokal na manggagawa.”

Ayon kay Olalia na ang hindi pagsusumite ng ulat ukol sa estado ng empleo ng OFW ay ipinagbabawal sa ilalim ng inamyendahang Republic Act 8042, at ang kaukulang patakaran ng POEA ukol sa recruitment at pagtatalaga ng manggagawang Filipino. Ang hindi pagsunod ay nanga­ngahulugan ng pagpataw ng disciplinary action at ng kaukulang parusa na nakasaad sa batas.

Isa sa mga kinakailangan upang mabigyan ng akreditas­yon ang foreign principal at employer ay ang paglagda sa isang kasunduan na nag-aatas na dapat nilang i-monitor ang pagtatrabaho ng overseas Filipino worker at isumite ang report ng mga insidente ukol dito. Ang hindi pagtalima sa nasabing kasunduan ay batayan upang sila ay mabigyan ng parusang administratibo.

Ang hindi pag-monitor at pagbigay ng ulat sa estado, kondisyon, o anumang pangyayari ukol sa kanilang kinuhang manggagawa ay may katapat na parusang suspensiyon na anim na buwan hanggang isang taon sa kanilang partisipasyon sa overseas employment program para sa unang paglabag, at permanenteng diskuwalipikas­yon at pag-alis sa listahan ng mga akreditong principal/employer sa ikalawang paglabag.

Kamakailan lamang ay nagbuo ng online application ang POEA para sa pangangasiwa ng pagmo-monitor ng mga overseas Filipino worker.

Ang monitoring system ay gagamitin ng Philippine recruitment at manning agency bilang pamamaraan sa pag-ulat sa estado at kondisyon ng OFW na kanilang dineploy batay sa POEA Memorandum Circular No. 12, Series of 2018.

Sa ilalim ng MC 12-2018 ay inaatasan ang lisensyadong manning at recruitment agency na i-monitor ang estado at kondisyon ng dineploy na OFW onsite at seafarers on-board at magsumite ng quarterly report.

Ang inisyal na report sa estado at kondisyon ng bagong dineploy na OFWs onsite at seafarers on-board ay dapat gawing tatlong buwan matapos itong ma-deploy at kada kapatan pagkatapos noon. Gayunpaman, kung may mahalagang pangyayari o insidente, kinakailangang mag-sumite ang agency ng report sa loob ng limang araw matapos itong maganap. PAUL ROLDAN

Comments are closed.