EMPLOYERS MULING PINAALALAHANAN NG DOLE SA 13TH MONTH PAY

13th

ILANG araw bago magpasko ay pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga pribadong kompanya hinggil sa kanilang obligasyon  kaugnay sa pagbabayad ng  13th month pay ng kanilang mga empleyado.

Kahapon ay nagpalabas ng labor advisory si DOLE Secretary Silvestre Bello para paalalahanan ang mga private employer na ang pagbibigay ng 13th month benefit ay bilang pagkilala sa mga manggagawa na siyang pangunahing puwersa sa productivity, competitiveness at profitability ng kompanya.

Ayon kay Bello,  obligado ang mga employer na magbigay ng 13th month pay alinsunod na rin sa Presidential Decree No. 851 at sa Implementing Rules and Regulation nito.

Sa ilalim ng batas, ang 13th month pay ay katumbas ng isang buwang suweldo ng manggagawa kung siya ay nagtrabaho sa kompanya ng isang buong taon.

Batay naman sa computation ng DOLE, ang halaga ng 13th month pay ay natutukoy kapag hinati sa 12 ang kabuuang halaga ng basic salary na kinita ng manggagawa sa buong taon.

Ang pagkakaloob din umano ng 13th month pay na kinakailangang maibigay bago o pagsapit ng Disyembre  24 ay walang pinipiling posisyon o employment status, basta’t ang manggagawa ay nagtrabaho nang hindi bababa sa isang buwan sa loob ng calendar year.

Bunsod nito hinikayat ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang mga manggagawa na idulog sa kanila ang mga reklamo laban sa mga employer na hindi nagbibigay ng 13th month pay.

Ayon kay TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, ito ay para mapatawan ng legal na aksiyon ng DOLE ang mga employer o kompanya.

Nilinaw ni  Tanjusay na  may pananagutan sa batas ang mga employer o kompanyang hindi nagbibigay ng 13th month pay.

Giit ni Tanjusay, posibleng patawan ng mala­king multa hanggang sa mauwi sa pagkakasara ang mga kompanyang lalabag sa batas tungkol sa 13th month pay.

Dapat din aniyang matanggap ito ng mga mang­gagawa bago matapos ang taon at iba pa ang 13th month pay sa Christmas bonus.

Sinasabing ang mga private sector employers ay may hanggang Enero 15 para magsumite ng kanilang  13-month pay compliance reports sa DOLE.

“Every covered employer shall make a report of his/her compliance with the law to the nearest Regional Office not later than January 15 of the following year,” ani Bello na base sa Labor Advisory No. 18-2018.   VERLIN RUIZ

Comments are closed.