EMPLOYERS SUSUNOD SA P35 WAGE HIKE SA NCR

RASONABLE ang P35 dagdag sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila, ayon sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI),  ang pinakamalaking business group sa bansa.

Sa isang statement, sinabi ni PCCI president Enunina Mangio na mahigpit na tatalima ang mga employer sa bagong minimum wage na P645  (mula P610) na inaprubahan ng Regional Tripartite at  Productivity Wage Boards ng NCR.

“It’s a decision made by the wage board, we will respect and follow that. On the part of PCCI, we will monitor and evaluate its impact on our micro and small enterprises that we consider the backbone of our economy,” wika ni Mangio.

Sinabi ng PCCI chief na ang P35 wage hike ay “tama lamang” kumpara sa naunang panukala na P100 na, aniya, ay masyadong malaki para sa mga employer at maaaring magresulta sa pagsasara ng mga negosyo.

Aniya, mahalaga ring isaalang-alang ang epekto ng pagtataas sa minimum wages sa mga negosyo na mapipilitang mag-adjust sa mas mataas na labor costs, partikular ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs).

Tinukoy ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), sinabi ng PCCI na ang maliliit na enterprise establishments ay nag-eempleyo ng 10-99 manggagawa habang ang  medium enterprises ay may kabuuang 100-199 manggagawa.

“I believe it’s a win-win decision for both employers and workers. We also recognize how inflation is affecting all of us,” sabi ni Mangio.

Nauna rito ay iginiit ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na hindi sapat ang P35 wage increase sa mga manggagawa sa Metro Manila.

Ayon kay TUCP legislative officer Paul Gajes, ang P35 minimum wage hike ay kakarampot lamang para insultuhin ang mga manggagawa.

“Crumbs lang po ito. Barya-barya and crumbs to humiliate the workers. Kaya namin sinabi ‘yan, tingnan ninyo naman po, sadyang kulang na kulang talaga sa pang-araw-araw na gastusin ng ating manggagawang Pilipino,” aniya.