PANSAMANTALANG sinuspinde ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pag-iisyu ng alien employment permits (AEP) sa mga foreign national sa Boracay Island.
Batay sa Labor Advisory No. 11, series of 2018, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na sakop ng temporary suspension ang foreign nationals na naglalayong magkaroon ng gainful employment sa isla ng Boracay at yaong may balidong AEP na nagnanais na mag-renew ng kanilang employment permits.
Nilinaw ni Bello na exempted sa temporary suspension ang mga dayuhang commissioned o awtorisado ng Boracay Inter-Agency Task Force.
Kabilang dito ang foreign nationals na nagtungo sa Boracay upang magsagawa ng research studies o ang trabaho ay may kinalaman sa rehabilitasyon ng isla.
Exempted din mula sa temporary suspension ang mga permanent resident foreign nationals at probationary o temporary resident visa holders.
Ang lahat ng foreign nationals na exempted mula sa pagkuha ng AEP, sa ilalim ng Section 3 ng DOLE Department Order No. 186, Series of 2017 (Revised Rules for the Issuance of Employment Permits to Foreign Nationals) ay hindi rin kasama sa suspensiyon.
Nabatid na magiging epektibo ang naturang labor advisory na nilagdaan noong Hunyo 26, hanggang sa matapos na ang temporary closure ng Boracay Island. ANA ROSARIO HERNANDEZ