EMPOWERING THE POWERFUL SC

rey briones

SUKI, nakikiisa ako sa layunin ng hudikatura na protektahan ang kanilang hanay kontra mga kriminal na uhaw sa dugo ng mga hukom.

Klaro ‘yan sa isip ko.

Na kailangan ay may espesyal na atensiyon ang gobyerno sa safety ng mga onorabol na binigyan ng mando ng Konstitusyon na baklasin  sa lipunan ang mga gunggong.

At paghimasin ng rehas na bakal.

Kaya’y parusahan ang mga nagkasala.

Pero hindi ako sang-ayon, Suki, sa panukalang batas na magbibigay sa hudikatura ng kapangyarihang ‘magsarili ng proseso ng hustisya’ kapag isang hukom ang biktima.

Mula sa pag-aresto ng salarin, pangangalap ng pruweba, pag-imbestiga sa kaso hanggang sa pagsampa sa piskalya.

Kasi, Suki, sa oras na iniakyat na sa hukuman ang asunto ay silang mga huwes din ang naatasang humusga.

Derpor, ‘yan ang delikado sa sinasabi kong “pagsasarili ng proseso ng hustisya.”

Na nakapaloob sa panukalang batas na ipinadala ng Korte Suprema sa Kongreso upang himayin na maging isang batas ng republika.

Ang Philippine Marshall Service Act.

Na magdaragdag pa ng sobra-sobrang ka­­pang­­yarihan, Suki, sa dati nang makapangyarihang sa­ngay ng gobyerno.

oOo

Magkakaroon ng bago’t hiwalay na sangay ng armadong awtoridad na ang tanging trabaho ay pangalagaan ang seguridad ng mga hukom.

Na puwedeng tawaging judiciary marshalls.

Na hindi sakop ng pambansang pulisya kundi ilalagay ang pangangasiwa sa court administrator.

‘Yan ang buod ng panukalang batas na isinulat ng mga henyo sa hudikatura.

Nais ng panukalang batas na armasan ang judiciary marshalls ng kapangyarihang mag-aresto at mag-imbestiga, mangalap ng mga ebidensiya at magsampa ng kaso sa piskalya laban sa sino mang mamerhuwisyo sa mga hukom.

Nalikha ang ideyang judiciary marshalls dahil sa pagkapaslang kamakailan lang ng isang huwes sa Ilocos Sur.

Ang tanong, Suki: Paano kung humirit din ang mga mambabatas ng legislative marshalls, ha?

Kasi mas marami rin yatang napapatay na miyembro ng Kongreso… anong sagot mo, Suki?

Comments are closed.