TINIYAK ng church-based poll watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na ipagpapatuloy pa rin nila ang pag-e-encode ng election returns (ERs) para sa beripikasyon ng mga resulta ng May 13 midterm elections.
Ito’y kahit tapos na ang proklamasyon sa mga nanalong national candidates nitong Miyerkoles at tuluyan nang isinara ng Commission on Elections (Comelec) ang transparency server nito.
Ayon kay PPCRV board member Dr. Arwin Serrano, tuluy-tuloy pa rin ang balidasyon nila sa mga ERs dahil mahalaga aniyang malaman ng publiko ang tunay na naging resulta ng botohan.
Pagtiyak naman ni Serrano, hanggang sa kasalukuyan ay wala silang nakikitang discrepancy at tiniyak na patuloy na nagtutugma ang mga resulta sa physical returns na ini-encode nila mula sa resulta mula sa transparency server.
Nitong Miyerkoles ng umaga ay pormal nang isinara ng poll body ang transparency server matapos na maglabas na ito ng official tally ng halalan na na-canvass ng National Board of Canvassers (NBOC).
Pormal na ring naiproklama ng NBOC ang 12 nanalong senador sa midterm polls nitong Miyerkoles ng umaga, habang Miyerkoles ng gabi naman nakatakda ang proklamasyon sa mga nominado ng mga mananalong party-list groups, na inaasahang pagkakalooban ng 61-puwesto sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Ang PPCRV, na accredited citizen’s arm ng Comelec, ang naatasang magsagawa ng voter’s education, poll watching, parallel counting, at encoding ng mga physical ERs upang maikumpara ito sa mga resulta mula sa transparency server. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.