Assistant Secretary James Andress Melad, DOTr Secretary Jaime Bautista, Cong. Maan Teodoro, Mayor Marcy Teodoro, at Vice Mayor Marion Andres sa pagpapasinaya ng end-of-trip cycling facility sa Marikina.
PINASINAYAAN ng local government unit (LGU) ng Marikina City at Department of Transportation (DOTr) ang end-of-trip cycling facility kamakalawa sa lungsod ng Marikina.
Pinangunahan ni Transportation Secretary Jaime Bautista, Assistant Secretary James Andres Melad, Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, First District Representative Marjorie Ann “Maan” Teodoro, ang nasabing launching ceremony at ang pag-unveil ng marker ng bagong pasilidad ng Bike Lane sa Marikina Central Parking Area.
Sinabi ni Bautista na ang end-of-trip cycling facility ay nagtatampok ng kabuuang 35 racks ng bisikleta na kayang tumanggap ng 70 bisikleta. Mayroon din itong mga comfort room na maaring maligo at kumpleto sa gamit at istasyon para magkumpuni sa mga nasiraang bisikleta.
“Ito ay magsisilbi para sa mga nagbibisikleta na empleyado ng Marikina City Hall at sa mga mamamayan ng Marikina na hindi na kailangang magdala ng kotse, magbibisikleta na lang dito sa end-of-trip facility,” ani Bautista.
Binigyang diin ni Mayor Teodoro ang kahalagahan ng paggamit ng mga bisikleta bilang paraan ng transportasyon sa hangaring bawasan ang carbon emissions, at bilang paraan ng pagtanggap ng aktibong pamumuhay.
“Ito ay bahagi ng transport modality system natin ang paggamit ng bisikleta, active transport system, ibig sabihin walang carbon emission, walang carbon footprint pedal ang ginagamit, hindi makina at maganda pa sa kalusugan at sa kalikasan natin para mapangalagaan,” anito.
Sinabi ng alkalde na ang end-of-trip bicycle facility ay magiging kapaki-pakinabang sa mga empleyado ng pamahalaang lungsod na gumagamit ng mga bisikleta.
“Malaking tulong ito sa mga regular na gumagamit ng bisikleta, mula sa kanilang mga bahay pagpunta sa trabaho lalo na para sa mga empleyado ng City Hall na gumagamit ng araw-araw ng bisikleta,” ani mayor.
Safe para sa mga siklista ang nasabing Bike lane dahil pwede nilang iwan o iparada ang mga bisikleta sa Central Parking Area kung saan sila ay papasok sa trabaho sa mas malayong lugar.
“Pwede silang magpalit dito ng damit at sumakay na sa public transport natin. Narito ang transport terminal ng reaching jeepney, may mga tricycle para sa pagpunta nila sa pinagtratrabahuhan nila. Narito rin ang palengke natin. Ito ang kahalagahan niya.”
Ang Marikina LGU at ang DOTr ay naglagay rin sa isang walong kilometrong bike lane na magkokonekta sa mga umiiral na bike lane ng lungsod.
Ayon kay Mayor Teodoro, mayroon nang nakatalagang bicycle lane ang Marikina sa paligid ng lungsod na itinatag noong 1995.
“With this program, ine-expand natin sa iba pang place, dinudugtong natin ang bike lane para connected,” pahayag pa ng alkalde.
Elma Morales