END POLIO NOW CAMPAIGN (Inilunsad ng DOH)

Polio

KASUNOD ng kumpirmasyon ng Department of Health (DOH) na nakapagtala na sila ng bagong kaso ng polio sa Lanao del Sur, matapos ang 19-taong pagiging polio-free ng bansa, naglunsad na rin ang departamento ng kampanya upang muling mapuksa ang naturang sakit.

Mismong si Health Secretary Francisco Duque III ang nanguna sa paglulunsad ng ‘End Polio Now’ campaign sa Quezon City, katuwang ang Rotary Philippines, sa pagsusumikap na muling mapuksa ang naturang sakit at hindi na madagdagan pa ang mga batang mabibiktima nito.

Sa naturang aktibidad, pinawi ni Duque ang pangamba ng mga mamamayan at tiniyak na ligtas ang polio vaccine para sa kanilang mga anak.

Kinumpirma rin ni Duque na bukod sa pagkakaroon ng epidemic na sakit, epektibo na ring binawi ng World Health Organization (WHO) ang ipinagkaloob nitong polio-free certification sa bansa.

“Of course, because in fact not only do we lose it but we will have an epidemic,” anang kalihim, sa pulong balitaan.

Ipinaliwanag niya na base sa deklarasyon ng WHO ng epidemic protocol, matatanggalan ng polio-free certification ang isang bansa, sa sandaling makapagtala ng kumpirmadong kaso ng sakit.

Nitong Huwebes, matatandaang inihayag ni Duque na muling sumulpot ang sakit na polio sa bansa matapos na kumpirmahin ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), at ng National Institute of Infectious Diseases sa Japan, na isang tatlong taong gulang na batang babae ang may sakit na vaccine-derived polio virus type 2, sa Lanao del Sur.

Kinumpirma rin naman ni Duque na hindi nabakunahan ang bata kaya dinapuan ng polio.

Bukod dito, isang suspected case pa ng sa­kit sa Laguna ang patuloy nilang mino-monitor at inaasahang makukuha na nila ang opisyal na report hinggil dito anumang sandali.

“Hindi pa tayo nakakasiguro, I just have to wait for the concerned office,” aniya.

Muli ring hinikayat ni Duque ang mga magulang na kompletuhin ang bakuna ng kanilang mga anak upang hindi na da­puan ng polio, na mag-dudulot ng pang-habambuhay na kapansanan o ‘di kaya’y kamatayan sa mga ito.

Giit ni Duque, ito ang pinakamahusay na pamamaraan upang makaiwas sa karamdaman ang mga bata.

“Kinakailangang siguraduhin na sa loob ng isang taong-gulang ng inyong mga anak, kumpleto na ang bakuna sa polio,” anang kalihim, sa panayam sa telebis­yon. “Tatlong pagbabakuna ‘yan. Two doses each at two drops per dose, at magkaroon ng pang-apat. Ito ‘yung inoculated poliovirus vaccine para siguradong mabigyan ng sapat na proteksiyon.”

Paliwanag niya, ang poliovirus ay maaaring maihawa sa pamamagitan ng direct contact sa taong infected nito, o ‘di kaya’y sa pamamagitan ng kontaminadong pagkain at tubig.

Mabisa rin aniyang pag-iwas  sa sakit ay regular at tamang paghuhugas ng kamay at pag-iwas sa open defecation, dahil maikakalat aniya ang sakit ng taong may poliovirus sa pamamagitan ng kanilang dumi.

Tiniyak na rin ng DOH na maglulunsad sila ng serye ng synchronized oral polio vaccinations para sa mga batang limang taong gulang pababa sa Metro Manila, Davao, at Lanao del Sur simula sa Oktubre 14, 2019. ANA ROSARIO HERNANDEZ