ENDO, OTS ATBP NG DOLE PINURI

DOLE

MAYNILA – PINURI ng House of Representatives ang Department of Labor and Employment (DOLE) dahil sa mahusay na pagpapatupad ng mga programa nito para sa mga Filipinong manggagawa.

Isang resolusyon na isinumite sa House of Representatives ang nagpapahayag ng suporta ng Kongreso para kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

May 90 kongresista ang lumagda sa House Resolution 2479 na pumupuri sa mahusay na pamumuno ni Bello sa labor department, at pangangasiwa sa mga programa ng pamahalaan para sa mga manggagawa.

Binibigyang-para­ngal si Bello para sa mga prayoridad na programa ng labor department, tulad ng paglaban sa kontraktuwalisasyon (endo) para sa regularisasyon; pagtatatag ng One Stop Shops (OTS) upang matigil ang bureaucratic red tape at gawing mabilis ang pagproseso para sa manggagawang Filipino, at protektahan at pa­ngalagaan ang kapakanan ng mga overseas Filipino worker.

Kinikilala rin ang pagpupunyagi ni Bello sa pagpapatupad ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD); Government Internship Program (GIP); DOLE Integrated Livelihood Program; Kasambahay Program; Adjustment Measures Program; at DOLE Integrated Livelihood Program (DILP).

Binigyang-parangal din ang pagpapatupad ni Bello ng mga ­programang pang-­empleo na tumataguyod sa mga sektor ng kabataan, tulad ng Special ­Program for Employment of Students (SPES), Jobstart Philippines Program, at ang Public Employment Service (PES); ang ­pangangasiwa sa empleo sa pamamagitan ng job fair; pagpapatupad ng labor standards at occupational safety and health sa pamamagitan ng Labor Laws Compliance System, at implementasyon ng Family Welfare Program.

Ang resolusyon ay inihain ni Deputy Speaker Mylene J. Garcia-Albano at Randolph S. Ting, at Representatives Rodolfo T. Albano III, Arnel U. Ty, at Aniceto Bertiz III. PAUL ROLDAN

Comments are closed.