‘ENTENG’ TUMAMA SA AURORA, METRO MAULAN PA RIN

Nasa Maddela, Quirino ang sentro ng bagyong Enteng matapos itong tumama sa kalupaan ng Casiguran, Aurora alas 2 ng hapon ayon sa 5 p.m. update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Taglay na ng bagyo ang lakas na hangin na 80 kph at pagbugso na umaabot sa 140 kph malapit sa gitna.

Ang lakas ng hangin nito ay mararamdaman hanggang sa distansiyang 200 km mula sa gitna.

Makakaranas na malakas na pag-ulan hanggang bukas ng hapon ang Ilocos Region, Nueva Vizcaya, Quirino, Isabela, Apayao, Abra, Benguet, at ang hilaga at gitnang bahagi ng Aurora.

Samantala, magiging maulan pa rin sa Zambales, Bataan, Nueva Ecija, Bulacan, Rizal, Metro Manila, at sa natitirang bahagi ng Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Ilocos Region.

Dadaan ang bagyo sa Cagayan Valley o hilaga ng Cordillera Administrative Region bago tutungo bukas ng umaga sa direksyon ng Babuyan Islands at lalabas ito ng Philippine area of responsibility (PAR) umaga o hapon ng Miyerkoles.

MLUISA GARCIA