HINILING ng pamahalaang lungsod ng Maynila nitong Lunes sa Manila City Council na bumalangkas ng bagong ordinansa na magtatakda ng bagong entrance fee sa newly-renovated Manila Zoo na inaasahang magbubukas sa publiko sa pagpasok ng bagong taon.
Kaugnay nito, hiniling din ng punong lungsod sa mga may mabubuting kalooban o grupo ng mga indibidwal na mag-donate o magpahiram ng kanilang mga alagang hayop bilang karagdagan sa mga in-order ng hayop ng pamahalaang lungsod.
Nabatid na ang bagong zoo ay magkakaroon ng flamingos na isang uri ng wading birds na may mahahaba at payat na mga binti at leeg at may matigas at pababang tuka.
Inaasikaso na rin ng punong ehekutibo ng Maynila ang pagkakaroon ng panibagong elepante sa zoo bilang kasama ng 50-year-old na si Mali at papangalanan niya itong ‘Posam.’ ang mga salitang ‘Mali’ at ‘Posam’ ay mga salitang kalye na ang ibig sabihin ay lima at sampu.
Sinabi rin ng alkalde na ang bagong hawla o kulungan ng mga hayop ay maari ng puntahan nang malapitan ng publiko upang mas makita nila nang malapitan ang mga hayop.
“We have built modern cages, mukhang nature, hindi de kahon at ‘yung mga bata pwede nilang makita ang tiger nang face-to-face,” sabi ni Moreno kaugnay ng bagong setup ng mga kulungan ng hayop kung saan isang makapal na salamin lang ang pagitan ng mga hayop sa mga bisitang pupunta sa zoo,” anang alkalde.
Ang bagong sewage treatment plant sa loob ng zoo ay karagdagang pasilidad na titiyak na hindi na magdaragdag ng kahit na anumang dumi o pollutant ang zoo sa Manila Bay.
Matatandaan na ang nasabing zoo ay ipinasara noong Enero 2019 matapos na tukuyin ng Department of Environment and Natural Resources ang sewage nito na siyang pangunahing pollutant sa Manila Bay.
Nang maupo bilang alkalde ng Maynila si Isko Moreno, ginamit nito ang pagpapasara sa zoo bilang opurtunidad na isagawa ang kailangang rehabilitasyon ng lugar na siyang kaunahan simula nang magbukas ito noong 1959.
Ayon kay parks and recreation bureau director Pio Morabe, ang lumang admission rates ay P50 para sa Manilans at P100 para non-Manilans at ang pagtatakda ng bagong entrance fee ay nangangailangan ng bagong ordinansa mula sa Manila City Council.
Ang Manila Zoo ay magkakaroon ng soft opening sa Disyembre 30, kung saan ang may 1,300 construction workers at kanilang mga pamilya ang mga kaunahang bisita.
“I want them to savor the fruits of their labor. Maituro man lamang nila sa mga anak nila na ako ang gumawa nyan, ako gumawa nito,’ and it is the city government’s way of thanking them for their hard work, I am happy for the workers dahil sa panahon ng pandemic, hindi sila nawalan ng trabaho,” diin ng alkalde. VERLIN RUIZ