MINANDUHAN na ng pamahalaang panlalawigan ng Albay ang tanggapan ng beterinaryo na ibawal ang pagpasok ng mga hayop tulad ng baka bilang pag-iingat sa posibleng paglaganap ng zoonotic disease o Q fever sa lalawigan.
Batay sa Executive Order No. 40 series of 2024 na nilagdaan ni Governor Grex Lagman, nakasaad dito ang pagbabawal na makapasok ang alinmang ngumunguyang hayop na magmumula sa Pampanga at Marinduque at sa iba pang lugar na may kahalintulad na kaso.
Nakasaad din sa nasabing kautusan ang pagkumpiska at pag-iisyu ng Return to Origin (RTO) ang mga bumibiyahe ng naturang mga hayop mula sa ibang lugar.
Iniutos din ni Lagman sa Provincial Veterinary Office (PVO) ang pakikipag-ugnayan sa Bureau of Animal Industry (BAI) at Department of Agriculture (DA) para sa mahigpit na monitoring at magpatupad ng Animal Quarantine Checkpoint.
Ang Q fever ay isang zoonotic disease na dulot ng bacterium Coxiella burnetti na kadalasang tumatama sa mga hayop tulad ng mga baka, tupa, kambing at kalabaw na maaring maipasa sa tao sa pamamagitan ng paglanghap ng hangin at direktang kontak sa apektadong hayop o kung makakain ng mga ito.
Magugunitang unang naitala ang kaso ng Q fever nitong Hunyo sa nasabing mga lalawigan matapos makitaan ng mga senyales ang mga imported na hayop na galing sa Estados Unidos.
Ito ay kinumpirma ng Department of Agriculture na posibleng kumalat at makaapekto sa katabing mga lalawigan kabilang na ang Albay.
RUBEN FUENTES