EO 59 O ANTI-RED TAPE SA INFRA PROJECTS, INILUNSAD

PARA mapabilis ang pagsulong ng impraestruktura ng bansa, inilunsad ng pamahalaan ang implementing guidelines ng Executive Order No. 59 (EO 59) o ang “Streamlining the Permitting Process for Infrastructure Flagship Projects.”

Ang inisyatibo ay pinangunahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) at ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa pamamagitan ng NEDA Board Committee on Infrastructure (INFRACOM) na nagdisenyo upang mapadali ang pagproseso ng mga permit para sa Infrastructure Flagship projects ng gobyerno.

Ang EO 59 ay naglalayong alisin ang pagkaantala sa pag-iisyu ng mga licenses, clearances, permits, certifications at authorizations.

Ang mga patnubay sa pagpapatupad ay magbibigay-daan sa paggamit ng mga electronic o digital signatures, limitahan ang bilang ng mga kinakailangang lumagda sa dokumento na kakatawan sa mga opisyal na direktang nangangasiwa sa mga responsableng tanggapan, payagan ang sabay-sabay na pagproseso ng mga aplikasyon sa pamamagitan ng pagsusumite ng Affidavit of Undertaking at ipag-utos ang awtomatikong pag-apruba o pag-renew ng mga dokumento kung ang licensing agencies ay nabigong kumilos sa itinakdang panahon.

Binigyang-diin ni NEDA Secretary Arsenio M. Balisacan na ang mga streamlined na proseso sa ilalim ng EO 59 ay kumakatawan sa isang makabuluhang hakbang tungo sa pagpapahusay ng pamumuhunan sa bansa.

“Fast-tracking our major capital projects is crucial because we seek to catch up with our dynamic neighbors in the region and realize the numerous economic opportunities such projects will bring. We hope to create the enabling conditions for high-quality job creation for thousands of Filipinos; we wish to enhance regional connectivity and link leading and lagging regions; and we aim to raise the competitiveness of our local industries and foster rapid, sustained, and inclusive growth,” sabi ni Balisacan sa kanyang statement.

Sinabi pa ni Balisacan na ang EO 59 ay umaayon sa mga layuning nakabalangkas sa Philippine Development Plan 2023-2028.
RUBEN FUENTES