EO NA MAGBABAGO SA DIVIDEND RATE NG DBP NILAGDAAN

INILABAS ng Malacanang ang inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na Executive Order Number 48 na magbabago ng dividend rate sa Development Bank of the Philippines (DBP) para sa calendar year 2022 na naglalayong palakasin ang capital position at pagtugon sa central bank’s regulations.

Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin na siyang lumagda sa nasabing kautusan, ini-adjust mula sa 50% ang annual earning nito sa zero percent.

“Pursuant to Section 5 of RA (Republic Act) No. 7656, and in the interest of national economy and general welfare, the percentage of net earnings to be declared and remitted by the DBP to the National Government for CY 2022 is hereby adjusted from fifty percent of its annual net earnings to zero percent,” ayon kay Bersamin.

Si Finance Secretary Benjamin Diokno ang nagrekomenda na ibaba ang adjustment sa porsyento ng net earnings ng DBP na deklarado bilang dividends sa National Government para sa 2022 upang mapalakas ang capital position, pagtugon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) regulations, at pagpapalakas sa ginagampanang probisyo sa crucial resources sa mga priority sectors para sa kabuuang socioeconomic development.

Sa ilalim ng RA No. 7656, ang lahat ng government-owned o -controlled corporations (GOCCs) ay kinailangang ideklara at i-remit ng hanggang 50 percent sa kanilang annual net earnings bilang cash, stock, o property dividends sa national government.

Gayunpaman, ang Section 5 ng RA 7656 ay nagtatakda na ang Pangulo, sa rekomendasyon ng Finance Secretary, ay maaaring ayusin ang porsyento ng annual net earnings na idedeklara ng isang GOCC, sa interes ng national economy at general welfare.

Ang DBP ay nilikha alinsunod sa batas upang tugunan ang medium and long-term needs ng negosyong pang-agrikultura at industriyal, partikular sa kanayunan, at mapabuti ang mga maliliit at katamtamang mga negosyo.

Ang mga kasalukuyang programa ng DBP ay naglalayon na higit pang tulungan ang pagbangon ng ekonomiya.
EVELYN QUIROZ