Nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato sa susunod na halalan na igalang ang nalalapit na Traslacion sa kapistahan ng Itim na Nazareno.
Sa harap ito ng inaasahang pagbugso ng milyon-milyong mga deboto sa kapistahan din ng Quiapo.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, hindi dapat haluan ng pulitika ang mga banal na gawain tulad ng Traslacion kahit hindi pa opisyal na nagsisimula ang kampanya at hindi pa sila itinuturing na kandidato
Biyernes ng umaga nang magsagawa ng magkahiwalay na walkthrough ang mga opisyal ng Manila Police District at ng Minor Basilica and National Shrine of the Black Nazarene o Quiapo Church bilang paghahanda sa mga rutang daraanan ng prusisyon.
Ayon kay MPD Director Brig. Gen. Arnold Thomas Ibay, 14,000 na mga pulis ang ipakakalat para masiguro ang kaligtasan ng mga deboto.
Idinaraos ang Traslacion tuwing ika-9 ng Enero na pag-alala sa paglilipat ng imahen ng Nazareno patungong simbahan ng Quiapo.
RUBEN FUENTES