EPAL NA POLITIKO SA UNDAS

Spokesperson James Jimenez

HINIKAYAT ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez ang mga taong magtutungo sa mga sementeryo na kuhanan ng larawan at ipaskil sa kanilang social media accounts ang mga poster ng mga ‘epalitiko’ na magsasamantala sa Undas.

Tinutukoy ni Jimenez yaong mga politikong nakapaghain na ng kandidatura para sa 2019 midterm polls ngunit magpapaskil ng kanilang mga poster at mga larawan sa mga sementeryo, na inaasahang dadagsain ng mga botante, na dadalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

“Going to the cemetery? Might I suggest taking and posting pictures of political epalness? LOL,” tweet ni Jimenez, sa kanyang official Twitter account, na may kasama pang hashtags na “#UndasUngas, #VoterEd, at #NLE2019.”

Mismong si Jimenez naman ang nanguna sa pagpapaskil ng mga poster ng mga ‘epallitiko’ na nakita niya nang mapadaan sa Manila North Cemetery kahapon.

Sa mga larawang ipinaskil ni Jimenez sa kanyang Twitter account, makikita ang mga larawan ng reelectionist na nakapaskil sa tapat ng mga tindahan ng mga kandila at bulaklak sa naturang pinakamalaking sementeryo sa Maynila.

Una nang hinikayat ni Jimenez ang mga politikong naghain ng kandidatura sa May 13, 2019 National and Local Elections (NLE) na huwag samantalahin ang Undas, sa pamamagitan nang pagpapaskil ng kanilang mga poster at paglalagay ng ‘Happy Undas’ sa mga sementeryo.          ANA ROSARIO HERNANDEZ

 

Comments are closed.