(Epektibo na ngayong araw) P500 WAGE HIKE SA KASAMBAHAY SA METRO

PINAALALAHANAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer sa National Capital Region (NCR) na sumunod sa wage order ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) na nagtataas sa minimum wage ng domestic workers ng P500.

Ang bagong wage order, na nagtataas sa minimum wage ng mga kasambahay sa Metro Manila sa P7,000 mula P6,500 ay epektibo ngayong Sabado, January 4.

Babala ni Labor Undersecretary Benjo Benavidez, maaaring kasuhan ang mga employer na hindi susunod sa bagong wage order.

“‘Yung ating mga kasambahay puwede nilang kasuhan ang kanilang mga amo ng non-payment ng minimum wage rate. Usually ang complaint nila ay underpayment of wages,” sabi ni Benavidez.

“Puwede silang pumunta sa aming mga tanggapan, pero ito ay may kaakibat pa ng ibang liabilidad dahil ang mga kasambahay po ay entitled din sa ibang benepisyo katulad ng SSS, Philhealth at PAGIBIG. Kung underpaid sila, siguradong hindi rin tama ang premium remittance nila sa SSS, Philhealth at PAGIBIG. At yung iba pa nilang benepisyo tulad ng service incentive leave at 13th month pay. Kapag ang isang manggagawa ay underpaid, ibig sabihin ay underpaid din sila sa ibang benepisyo,” dagdag pa niya.

Bukod sa NCR, may umento rin ang mga kasambahay sa Regions 1, 2, Mimaropa, CAR, 6, 8, 10 at 13. Ang kanilang monthly minimum wage ay nasa P5,000 hanggang P6,000.

Ayon kay Benavidez, patuloy na nirerebyu ng iba pang boards sa iba pang rehiyon ang umiiral na wage rate upang matingnan kung nararapat na ang pagtaas at magkano ang itataas na sahod ng mga kasambahay.