APRUBADO na ng regional wage boards ng Cagayan Valley, Central Luzon at Soccsksargen ang umento sa daily minimum wage ng private workers, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa isang statement, sinabi ng DOLE na ang salary adjustments, na mula P30 hanggang P60, ay inaprubahan bilang tugon sa direktiba noong Labor Day ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. na rebyuhin ang minimum wages.
Ayon sa DOLE, ang wage orders ay napagpasyahan sa pamamagitan ng collaborative consensus at nagkakaisang inaprubahan ng mga miyembro ng kani-kanilang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPBs) at magiging epektibo sa Oct. 17.
Sa Cagayan Valley, ang RTWPB-2 ay nagkaloob ng P30 daily minimum wage increase sa lahat ng sektor.
Ang daily minimum wages sa rehiyon ay magiging P450 hanggang P480 para sa non-agriculture sector, at mula P430 hanggang P460 para sa agriculture sector.
Samantala, inaprubahan ng RTWPB-3 (Central Luzon) ang dagdag na P50 hanggang P66.
Dahil dito, ang daily minimum wage rates sa rehiyon ay magiging P500 hanggang P550 sa non-agriculture sector; P485 hanggang P520 sa agriculture sector; at P435 hanggang P540 sa retail at service establishments. Ipagkakaloob ito sa dalawang bugso.
Samantala, ang pay increase na mula P27 hanggang P48 na inaprubahan ng RTWPB-12 (Soccsksargen) ay magtataas sa daily minimum wages sa rehiyon sa P430 sa non-agriculture sector, kabilang ang retail and service establishments, at P410 sa agriculture sector. Ang increase ay ibibigay sa apat na bugso.
Ayon sa DOLE, ang wage orders ay isinumite sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) para sa pagrepaso at pinagtibay noong Sept. 25.
Ang wage orders ay inilathala noong Oct. 1, 2024, alinsunod sa mga umiiral na batas at pamamaraan.
Kabuuang 905,000 minimum wage earners sa tatlong rehiyon ang inaasahang makikinabang sa wage orders.
Ang huling wage orders para sa mga manggagawa sa private establishments at domestic workers sa Cagayan Valley, Central Luzon at Soccsksargen ay naging epektibo noong Oct. 16, 2023.
Ayon pa sa DOLE, tumaas din ang sahod ng kasambahays sa Cagayan Valley kung saan inaprubahan ng RTWPB-2 ang P500 increase sa kanilang monthly pay sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa rehiyon.
Dahil dito, ang monthly minimum wage ng kasambabays ay magiging P6,000 na.
Ang salary increase ay inaasahan ding pakikinabangan ng kabuuang 49,165 domestic workers — 15 percent (7,394) of sa mga ito ay nasa live-in arrangements, at 85 percent (41,771) ang nasa live-out arrangements. LIZA SORIANO