(Epektibo sa Nob. 7) P33 WAGE HIKE SA ILOCOS REGION

SIMULA sa susunod na buwan ay tatanggap ang minimum wage earners sa Region I (Ilocos Region) ng mas mataas na sahod makaraang aprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang P33 umento sa daily pay sa rehiyon.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), pinagtibay ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang Wage Order No. RB 1-23 noong Oktubre 16, na nagtataas sa daily minimum wages sa P435 para sa agriculture sector at non-agriculture sector na nag-empleyo ng wala pang 10 empleyado at P468 para sa non-agriculture sector na may 10 o higit pang empleyado.

Epektibo ang dagdag-sahod sa Nobyembre 7, 2024 o isang araw matapos ang anibersaryo ng RTWPB. Inilabas ng board ang huling wage orders nito para sa mga manggagawa sa private establishments at domestic workers sa rehiyon noong Nobyembre 6, 2023.

“The new rates for workers in the private sector translate to an 8% increase from the prevailing daily minimum wage rates in the region and result in a comparable 12% increase in wage-related benefits covering 13th-month pay, service incentive leave (SIL), and social security benefits such as SSS, PhilHealth, and Pag-IBIG,” ayon sa DOLE.

Inaprubahan din ng RTWPB ang P500 dagdag sa monthly minimum wage ng domestic workers (kasambahay) kaya magiging P6,000 na ang kanilang buwang sahod.

Sinabi ng DOLE na ang wage order ay inaasahang direktang mabebenepisyuhan ang 170,143 minimum wage earners.