SA BAWAT pagkapanalo ng kandidato, palaging may isang tao na nasa likod na naging susi nito.
Katulad na lamang ni Executive Secretary Victor Rodriguez na naging malaking bahagi sa pagkakapanalo ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. noong nakaraang halalan. Dahil sa kanyang pagtatanggol kay PBBM laban sa mga kritiko at paglalatag ng kanyang mga plataporma at programa, naipanalo ni PBBM ang kandidatura sa pagkapangulo.
Si Atty. Rodriguez ay ang long-time chief of staff ni PBBM at isa sa mga lubos na pinagkakatiwalaan ng Pangulo. Noong panahon ng kampanya, siya ang nagsilbing tagapagsalita na handang humarap sa publiko at naging susi sa pag- angat ng pangalan ng ating Pangulo.
Dahil sa kanyang katapatan ay itinalaga siya bilang Executive Secretary na itinuturing na “Little President” dahil sa nature ng kanyang trabaho.
Bilang executive secretary, may kakayahan si Atty. Rodriguez na pirmahan ang mga executive order at mahahalagang dokumento sa bisa ng approval ng Pangulo. Maaari niyang suriin at baguhin ang mga desisyon ng mga miyembro ng gabinete sa bisa ng “appeal” sa Pangulo, gayun na rin ang kanyang kakayahan upang gampanan ang ilan sa mga tungkulin ng Pangulo, mapa-isyu man sa loob o labas ng bansa.
Noon pa man ay nasa puso na ni Atty. Rodriguez ang pagsisilbi sa bayan. Sa edad na 19, siya ang isa sa mga pinakabatang kapitan ng barangay kung saan ipinasara niya ang mga ilegal na aktibidad sa Tomas Morato sa Quezon City, na ginawang lugar ng “night life” at “entertainment.” Dahil sa kanya, isa na ngayon ang Tomas Morato sa mga dinarayong barangay ng Quezon City at sa ngayon ay wholesome at family oriented district.
Sa kanyang pagkakatalaga bilang executive secretary, ipinangako ni Rodriguez na siya “ay maglilingkod nang buong husay, walang pag-iimbot, at nang buong katapatan.”
Noon pa man, nakatuon na siya sa buong pusong paglilingkod sa bayan at bilang Executive Secretary ng bansa, isa sa kanyang pinagtutuunan ng pansin ay ang patuloy na pagtataguyod ng pagkakaisa at pakikipagtulungan sa lahat ng ahensiya ng gobyerno para sa kapakanan ng bawat Pilipino.
Isa si Atty. Rodriguez sa mga indibidwal na kinakailangan ng bansa dahil sa lubos niyang pagkakakilala sa Pangulo na naging bentahe niya sa pagganap ng kanyang tungkulin sa pamahalaan. Sa kanyang katapatan at pagkakakilala kay PBBM, siya ang magsisilbing epektibong boses ng bansa at representasyon ng Pangulo.
Ang pagpili ng mga taong mamamahala sa bawat departamento ng bansa ay napakakomplikadong proseso na nangangailangan ng masusing pagsisiyasat, at isa si PBBM sa mga testamento nito dahil masusi niyang pinipili ang bawat aplikante na maaari niyang italaga upang pamunuan ang isang departamento. Sa kasalukuyan, tanging mga highly competent appointees ang nasa gabinete at pamahalaan at tiyak ako na isa sa mga gumagabay rito ay si ES Rodriguez.
Bihira sa kasaysayan na mabiyayaan tayo ng isang mahusay na public servant at aking mariing pinaninindigan na si Atty. Rodriguez ay magiging mahusay, maaasahan at matatagag na kahalili ng pangulo upang maisayos ang muling pagbangon ng bayan.
Bukod sa kanyang katapatan, naging saksi tayo sa kanyang propesyunalismo sa mga kaliwa’t kanan niyang pagharap sa napakaraming isyu para ipagtanggol at ilatag ang mga plataporma ni PBBM para sa mga mamamayan.
Ang kanyang depensa para sa pangulo ay sumasalamin sa kung paano niya rin kakayaning depensahan ang ating bansa sa mga isyung ating kakaharapin. Suportahan natin siya at ang kaniyang mga plano at plataporma bilang suporta na rin sa pagbangon ng bansa.