NAPAKAHALAGANG bagay ang komunikasyon sa bawat isa dahil ito ang nagbibigkis sa ating lahat upang magkaintindihan, matuto, at magkaisa sa araw-araw.
Bukod dito, ang komunikasyon ang nagbibigay sa atin ng karapatan upang ipahayag ang ating mga damdamin, sensasyon, at pangangailangan nang hindi nahahadlangan ng kahit na sino man.
Batid natin na hindi lahat ng tao ay biniyayaan ng kakayahan sa komunikasyon kaya naman napakahalaga ng isang epektibong mensahero na palaging handa upang gampanan ang papel na ito.
Ito marahil ang dahilan kaya ang ilang mga sektor ng pamahalaan, organisasyon, pati ang pribadong sektor, ay nagtalaga ng mga indibidwal na magiging epektibo sa paghahatid ng impormasyon sa masa, bukod sa salamin din ito ng kanilang pagiging tapat sa publiko.
Katulad ng Malacanang, ilan ding mga ahensiya ng pamahalaan ang nagtalaga ng kani-kanilang tagapagsalita katulad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Commission on Elections, gayundin ang mga pribadong sektor kagaya ng Light Rail Transit Authority, Manila Electric Company, Maynilad Water Services Inc., at iba pa. Ang mga tagapagsalitang ito ang palaging humaharap upang sagutin ang katanungan ng publiko sa panahon ng krisis, o ipaalam ang mga importanteng impormasyon na dapat nilang malaman.
Ngayong panahon ng halalan sa Pilipinas, hindi na bago ang siraan sa pagitan ng mga kandidato at paglalaban para lamang makamit ang puwestong kanilang minimithi. At dahil halos lahat na ng indibidwal ngayon ay marunong nang gumamit ng internet at teknolohiya, naging madali na ang pamamahagi ng impormasyon at mas malawak na ang naaabot nito.
Sa kabilang banda, talamak na rin ang pamamahagi ng ilan mga pekeng balita upang siraan lamang ang mga kandidato at ilihis ang kanilang tiwala at ideya sa kanilang mga ibobotong kandidato, kaya naman napakahalaga ng tagapagsalita upang ituwid ang bawat baluktot na impormasyon.
Isa sa mainit na pinag-uusapang kandidato sa panahon ng halalan ay si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na siya na ring madalas na sinisiraan ng iba pang tumatakbo sa darating na eleksyon. Sa panahon din ng halalan umuusbong ang salitang bobotante na kanilang tawag sa mga botanteng nagpapadala lamang sa agos.
Ngunit dahil sa epektibong tagapagsalita ni BBM na si Atty. Vic Rodriguez, ang bawat impormasyon tungkol sa presidential aspirant ay epektibong naibabahagi ng kanilang kampo sa mga tagasuporta at sa buong publiko.
Magmula noong panahon ng paghahain ng kandidatura hanggang sa umpisa ng kampanya, hindi natin kailan man narinig si Atty. Vic na nakipagpalitan ng maiinit at maanghang na diskusyon sa kabilang mga kampo, bagkus ay itinuon niya ang kanyang sarili at istratehiya sa pamamahagi ng plataporma at proyekto ni BBM sakali mang siya ang manalo bilang bagong pangulo ng Pilipinas.
Si Atty. Vic ang isang halimbawa ng epektibong tagapagsalita, dahil siya ang nagtutuwid ng mga peke at baluktot na impormasyon tungkol sa tatakbong pangulo at siya ay ang testamento ng epektibong komunikasyon dahil sa palaging pangunguna ni BBM sa mga pulse surveys na isinasagawa ng mga organisasyon.
Katulad ng palaging sinasabi ni Atty. Vic sa publiko, palaging “pagkakaisa” ang kanilang hinahangad na makamtan, na siya ring isa sa mga katangian ng epektibong tagapagsalita.