(Epekto ng Abra quake)TAAS-PRESYO SA GULAY

ILANG gulay sa Metro Manila ang tumaas ang presyo sanhi ng pagkaantala ng delivery ng mga produkto mula sa Baguio, na isa sa mga apektadong lugar ng magnitude 7 na lindol na yumanig sa Abra noong Miyerkoles.

Napag-alaman na nagkaroon ng apat hanggang limang oras na delay sa transportasyon ng mga gulay dahil sa landslide sa ilang kalsada dulot ng lindol.

Sa ulat ng ABS-CBN News, ang presyo ng repolyo at pechay Baguio sa Commonwealth market ay tumaas sa P40 kada kilo mula sa P30.

Nasa P50 mula P40 naman na ang kada kilo ng patatas, habang ang kada 10 kilo ng carrots na dating P250 ay pumalo na sa P600.

Samantala, ang French beans ay mabibili na ngayon sa P60 kada kilo mula P50.

Upang matulungan ang mga apektadong vegetable dealer mula sa Cordillera ay binili ng Department of Agriculture (DA) ang kanilang mga produkto.

Dinala rin ang mga gulay at ilang dried fish product sa Abra para ipamahagi sa mga nasalanta ng lindol.