MAPAKIKINABANGAN na ngayong taon ang mga natapos nang proyektong pang-imprastruktura sa ilalim ng administrasyong Duterte, ayon sa Malakanyang.
Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na ilan sa pinakamahalagang infrastructure improvements sa katatapos na taon ay may positibong epekto para makamit ang hangarin sa 2017-2022 Philippine Development Plan.
Ani Nograles, sa pagtatapos ng taon ay hindi lang mga highway ang naayos kundi pati na ang information superhighways.
Batay sa datos, aabot sa 9,845 kilometrong kalsada, 2,709 na mga tulay, 4,536 flood mitigation structures, at 120,895 classrooms ang naipatayo at naayos ng pamahalaan.
Bukod dito, sa tulong ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ay naglagay rin ang gobyerno ng free Wi-Fi hotspots sa mga pampublikong lugar para mapagbuti ang daloy ng impormasyon sa bansa.
Dagdag ni Nograles, nararamdaman na ang epekto ng Duterte governance tulad ng pagbawas ng kahirapan, mas mataas na sahod, at mababang unemployment rate ngunit hindi pa ito sapat at marami pang dapat gawin ang gobyerno para sa ikabubuti ng publiko.
Comments are closed.