HINIKAYAT ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na magbigay ng psychosocial support sa mga mag-aaral na dumaranas ng stress o anxiety lalo na’t pinalawig pa ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon sa senador, nakaaapekto sa mental health ng mga mag-aaral ang pagkakagambala ng kanilang mga klase na nananatiling suspendido.
Ani Gatchalian, mahalaga ang pangangalaga ng mental health ng mga kabataan na siyang papel ng mga guro, guidance counselors, at mga magulang.
Dapat aniyang mabigyan sila ng sapat na paggabay kung paano matutugunan ang mga pangangailangan lalo na sa panahon ng krisis.
“Ngayong dumadaan tayo sa isang krisis, importanteng iparating natin sa mga mag-aaral na nauunawaan natin ang kanilang mga pangamba at handa tayong gawin ang lahat upang masiguro ang kanilang kaligtasan. Bahagi nito ang malinaw na pagpapaliwanag kung ano ang maaaring idulot ng COVID-19 at kung paano natin ito maiiwasan,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
“Mahalagang iparating natin sa mga mag-aaral na bagama’t hindi nila nakakasama ang kanilang mga guro, mga kaklase, at mga kaibigan, magpapatuloy pa rin ang kanilang pag-aaral sa isang ligtas at mabisang paraan,” dagdag ng senador.
Ayon kay Gatchalian, dapat gamiting sanggunian ng DepEd ang “Key Messages and Actions for COVID-19 Prevention and Control in Schools” ng World Health Organization (WHO), United Nations Children’s Fund (UNICEF) at ng International Federation of the Red Cross and Red Crescent Societies sa pangangalaga ng mental health ng mga mag-aaral.
Ayon sa rekomendasyon ng tatlong ahensiya, dapat iparamdam ng mga guro na normal lamang para sa mga mag-aaral ang pagkakaroon ng iba’t ibang mga tanong at reaksiyon sa kalagitnaan ng kasalukuyang public health emergency.
Dapat din hikayatin ng mga guro ang kanilang mga mag-aaral na ipagtapat ang kanilang mga pangamba. Ang pagpapakita ng suporta sa kanilang kapwa mag-aaral at pag-iwas sa bullying ang ilan din sa mga inirerekomendang dapat ituro sa mga ito.
Tulad ng mga guro, inaasahan din na magbibigay ang mga magulang ng kaukulang paggabay at pag-unawa sa kanilang mga anak. Sa kanilang mga tahanan, dapat iparamdam ng mga magulang sa kanilang mga anak na normal silang namumuhay sa kalagitnaan ng krisis. Higit sa la-hat, dapat mabigyan ang mga bata ng sapat na panahong makapaglibang at makapagpahinga.
Habang nananatiling suspendido ang mga klase, hinihikayat naman ng DepEd ang mga guro na gamitin ang mga “Online Alternative Learning Delivery Platforms” na inirekomenda ng Information and Communications Technology Service (ICTS). VICKY CERVALES
Comments are closed.