EPEKTO NG COVID-19 MAHABANG PANAHON MANANATILI

HINDI kaagad mawawala ang virus na nagdudulot ng Covid 19 kayat kailangan ang patuloy na pag-iingat at paghahanda sa epekto nito.

Ito ang paalala ni WHO Western Pacific Region Director Takeshi Kasai matapos tukuyin ang mga bansa sa rehiyon na nakararanas ng pagtaas ng mga kaso ng sakit.

Kabilang dito ang South Korea na may mahigit 286,000 na bagong kaso sa nakalipas na 24 oras.

Kasunod nito ang Australia na may 58,229 na bagong mga kaso, Vietnam na may 54,995; Japan na may 42,315.

Maging ang New Zealand ay hindi na rin nakaligtas sa surge o biglang pagdami ng mga kaso matapos makapagtala ng 12,618.

Pumalo naman sa 12,017 ang kaso sa Malaysia; 6,341 sa Singapore; 3,354 na bagong kaso sa China at Lao People’s Democratic Republic na may 2,272 na kaso na naitala sa loob nang nakalipas na 24 oras.

Sinabi naman ni Dr Babatunde Olowokure, Director ng Health Security and Emergency ng WHO Western Pacific na ilan sa mga bansang ito ay may naitatala nang pagbaba ng mga kaso habang ang iba pang mga bansa na wala pang panibagong sure ay naghahanda na rin.

Giit ni Dr. Olowokure ang kahalagahan hindi lamang ng pagbabakuna kundi maging ang pagtanggap ng booster doses sa paghina ng epekto ng mga bakuna makalipas ang ilang buwan.

Kailangan aniya ang pananatiling alerto at mapagbantay nang lahat upang matugunan ang banta ng muling pagdami ng nagkakasakit ng Covid 19.

Una nang iniulat ng WHO na binabantayan nila ang recombinant variants ng Covid 19 kabilang na ang tinatawag na Omicron XD at XE.

Giit ni Dr. Olowokure na hanggang patuloy ang hawahan ng sakit ay magkakaroon din ng pagbabago sa SARS Cov 2 virus na magdudulot ng magkakaibang epekto sa kalusugan ng tao. Jeff Gallos