SA susunod na dalawang linggo pa makikita ang posibleng epekto ng halalan sa COVID-19 cases sa bansa.
Inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nasunod naman nang maayos ang health protocols sa ilang polling centers.
Gayunman, may ilan ding lumalabag sa public health safety standards, gaya ng physical distancing rules.
Tinatayang 67 milyong katao ang bumoto noong Lunes na nagresulta sa napakahabang pila at siksikan sa mga polling center.
Hangga’t naka-facemask at bakunado ang mga botante ay maaaring maliit lamang aniya ang maging epekto ng halalan sa COVID cases pero hindi nila isinasantabi ang posibilidad na magkaroon muli ng surge.
Sa kasalukuyan ay nananatiling nasa minimal-risk classification sa COVID-19 ang Pilipinas.
Patuloy na bumababa ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Nasa 1,115 na lamang ang bagong kaso na naitala.
Sinabi pa ni Vergeire na nasa low-risk classification pa rin ang Healthcare Utilization Rate ng bansa.
Sa kabila nito, naobserbahan naman ng DOH ang bahagyang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Cagayan Valley, MIMAROPA, Bicol, Central Visayas, Eastern Visayas, Ilocos Region, Central Luzon, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. DWIZ882