MAYNILA – UPANG mabigyang halaga ang papel ng tripartism sa pagbabago sa mundo ng paggawa, tinipon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga kinatawan mula sa pamahalaan, sektor ng manggagawa at employer, at ang media upang tugunan ang epekto ng Fourth Industrial Revolution o Industry 4.0.
Sa pangunguna ng Bureau of Local Employment (BLE), isang pagtitipon ukol sa Fourth Industrial Revolution ang ginanap nitong nakaraang linggo sa Century Park Hotel para talakayin ang katangian nito, epekto sa merkado ng paggawa, at paano matutugunan ng pamahalaang Filipinas at ng pribadong sektor ang mga ganitong pagbabago.
Ang pagtitipon ay naaayon sa panawagan ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa ginanap na 108th Session ng International Labour Organization Conference sa Geneva, Switzerland kung saan kanyang ipinahayag ang kahalagahan ng human-centered labor agenda gayundin ang tripartism at social dialogue sa pagbubuo ng polisiya na tiyaking tutugon sa mga pagbabago sa mundo ng paggawa.
Binigyang-diin ni Acting Secretary Ana Dione ang patuloy na pagpupunyagi ng pamahalaan na makamit at mapanatili ang lakas-paggawa na susuporta at tutugon sa mga pangangailangan sa patuloy na pagbabago ng kalagayan ng paggawa.
Tinalakay ni Program Officer Dianne Lynn Respall ng International Labour Organization (ILO) ang katangian ng Fourth Industrial Revolution at ang kanilang human-centered agenda bilang tugon sa pagbabago sa mundo ng paggawa.
Samantala, ipinahayag naman ng mga kinatawan mula sa Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Trade and Industry (DTI), at ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang kanilang mga inisyatibo at gawain sa gitna ng pag-unlad ng teknolohiya na nagpapabago sa mundo ng paggawa.
Sa pahayag ni Director Maria Teresita Semana ng CHED, na kanilang itinutugma ang mga programa sa pangangailangan ng industriya, kung saan kanyang idinagdag na taong 2012 nang maisama ang artificial intelligence sa curriculum.
Binigyang-diin naman ni TESDA OIC-Chief Charlyn Justimbaste ang papel ng technical-vocational education sa Fourth Industrial Revolution. PAUL ROLDAN
Comments are closed.