EPEKTO NG LABIS NA INIT SA MGA ESTUDYANTE PAG-UUSAPAN SA SENADO

MAGSASAGAWA  ang Senado ng pagdinig sa Martes kaugnay sa epekto ng matinding init na dahilan ng paglipat sa Alternative Delivery Modes (ADMs) sa mga estudyante.

Sinabi ni Senator Win Gatchalian na isa sa dahilan na sinuspinde ng Department of Education (DepEd) ang face-to-face classes noong Abril 29 at 30 ay dahil sa matinding init.

Bagama’t maaaring magpatupad ang mga paaralan ng blended learning, binigyang diin ni Gatchalian na may mga hamon pa rin sa paggamit ng ADMs.

Kabilang na rito ang kawalan ng maayos na internet sa ilang mga bahay. Nahihirapan din aniya ang ilang mga magulang na suportahan ang kanilang mga anak sa pagpapatupad ng blended learning.

“May mga magulang na hindi masyadong sang-ayon sa online or blended learning dahil hindi natututo ang kanilang anak at mismong mga magulang din ang sumasagot sa mga textbook o workbook nila. Lumalabas na mas pabor pa rin ang maraming magulang sa face-to-face classes,” anini Gatchalian.

“Gayunpaman, maraming mga nag-suspinde ng klase nitong mga nakaraang araw dahil sa sobrang init ng panahon.

Ang lahat ng ‘yan ay babalansehin natin,” dagdag pa nito.
LIZA SORIANO