(Epekto ng oil price hikes) PRESYO NG BIGAS TUMAAS

petrolyo

TUMAAS ng P2 o higit pa ang presyo ng bigas dahil sa patuloy na pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon kay Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo, nasa P50 kada bag ang taas-presyo sa bigas noong unang bugso ng serye ng oil price hike dahil sa gastos sa transportasyon.

Aniya, dati ay mabibili lamang ito sa P38 kada kilo ngunit ngayo’y  P40 na.

Paliwanag pa ni Estavillo, naapektuhan din ang presyo ng nabanggit na produkto ng talamak na smuggling ng mga produktong pang-agriklultura, gayundin ng importasyon ng bigas.

Nauna nang nagbabala ang isang agricultural group sa pagtaaa ng  presyo ng bigas sa gitna ng tumataas na presyo ng petrolyo.

Samantala, sumirit din ang presyo ng ilang gulay sa mga pamilihan sa Metro Manila.

Sa San Andres Market sa Maynila, dumoble ang presyo ng sili kung saan, pumalo na ito sa P400 mula sa dating P200 kada kilo.

Tumaas din ang presyo ng carrots, talong, brocolli at patatas na nasa halos P100 hanggang P200 kada kilo.

Naglalaro naman sa P360 mula sa dating P350 kada kilo ang presyo ng karneng baboy habang bumaba ang presyo ng kada kilo ng manok na nasa P160 hanggang P170 kada kilo mula sa dating P170 hanggang P180 kada kilo.

Bumaba rin ang presyo ng galunggong na ngayon ay nasa P180 mula sa dating P280 kada kilo. DWIZ 882