SUMIRIT ang presyo ng baboy at manok sa ilang palengke sa Metro Manila, base sa monitoring ng Department of Agriculture (DA).
Nasa hanggang P40 ang itinaas ng kada kilo ng baboy habang P10 hanggang P20 naman sa kada kilo ng manok.
Napag-alaman na karamihan sa mga ibinebentang baboy sa Metro Manila ay iyong tinatawag na ‘tawid dagat’ o mga baboy na galing pang Mindoro, Samar o ibang probinsiya sa Visayas at Mindanao kaya apektado ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Samantala, ang dating P130 hanggang P140 na kada kilo ng manok ay nasa P150 hanggang P160 na ngayon.
Paliwanag ni Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista, nagkaroon din ng pagtaas sa presyo ng agricultural feeds gaya ng mais kaya naapektuhan ang presyo ng manok.