EPEKTO NG SIDE HUSTLING

perapera
Earvin salangsang
By Earvin Salangsang

ANG SIDE hustling o ang pagkakaroon ng iba pang ­trabaho ­bukod pa sa regular na trabaho ay isang ­paraan upang madagdagan ang kita.

Lalo rin umusbong sa bansa ang Gig Economy o ang freelancing ngayong panahon ng internet. Kaya naman, mula sa traditional na mga side hustles tulad ng maliit na negosyo, buy and sell, financial advisory at teaching jobs ay nadagdagan na ang puwedeng pagkuhanan ng extra-jobs o gigs.

Nariyan ang pagiging virtual assistants at social media mana­gers, vlogging at podcasting, online sel­ling, web designs, gaming at iba. Karaniwang may negatibong epekto sa kompayang pinagtatra­bahuan ang pagkakaroon ng side hustle o extra jobs ng mga emple­yado. Ilan sa mga iyan ay pagkapagod o burn out ng mga empleyado, conflict of interest, pagkawala ng focus sa pangunahing trabaho, kawalan ng oras o paggamit sa oras ng trabaho upang matugunan ang extra job at kung hindi napag-­usapan ay posib­leng paglabag sa mga policies o patakaran ng kompanya.

Kung may negatibong epekto ang side hustle, meron din bang positibo? Pag-usapan natin. Una, sa pagkakaroon ng side hustles ng mga empleyado, lumalawak at nadaragdagan ang kanilang mga kasanayan na maaari nilang magamit sa kanilang regular na trabaho. Halimbawa, kung ang isang IT staff ay may isang buy and sell na side hustle, mas malawak ang perspektibo nito sa pakikipag-­usap sa mga taga-marketing and sales department ng kompanya. Ang isang accountant naman na may teaching job ay napapanatiling updated nito ang kanyang sarili sa mga bagong regulasyon. Bukod pa rito, nahahasa rin ang kaniyang reporting skills dahil sa kanyang pagtuturo.

Pangalawa, lumalaki ang network ng mga empleyadong mayroong side hustles na maaari ring direktang makaapekto sa kompanya. Pangatlo, ang pagkakaroon ng side hustles ay isa ring senyales na ang empleyado ay may direk­siyon at may nais marating sa buhay. Dagdag din dito ang motibasyon na maaa­ring makuha mula sa mga mumunting tagumpay nito sa side hustles.

Pang-apat ay ang pagkakaroon ng bagong pananaw. Ang mga empleyadong may side hustles ay unti-unting nagkakaroon ng tinatawag na “entrepreneurial skills”. Sa bagong kakayahan na ito ay nagkakaroon ng bagong pananaw ang empleyado sa pagpapatakbo ng isang kumpanya. Magkakaroon sila ng mas malawak na pag-unawa sa iba’t ibang aspeto ng kompanya dahil hindi na lamang sila empleyado kundi ay isang negosyante na rin.

Ang huling maaaring positibong epekto ay ang mas matagal na pananatili ng mga empleyado or retention. Ang mga kompanyang bukas sa mga ganitong sitwasyon ng mga empleyado ay mas kanais-nais na pagtrabahuan. Ang pagbibigay kalayaan sa mga empleyadong ituloy ang kanilang mga hilig at passion ay hindi na kailangang mag-resign upang gawin ito.

Ang bukas at malayang komunikasyon sa pagitan ng empleyado at kompanya ay isang paraan upang mabawasan ang masamang epekto ng side hustling. Maaaring lumikha ng malilinaw na policies para sa side hustling upang matugunan ang mga isyu ng kompanya at empleyado. Sa huli, ang pagbibigay ng kalayaan sa mga empleyado hanggang hindi nakakasama sa interest ng kompanya ay maaaring makapagdulot ng mataas na moral, kasiyahan at retention ng empleyado.

Ang may akda ay Vice ­Pre­si­dent-Finance/­Comptroller ng DES Finan­cing Corporation, isang kumpanyang nagbibigay ng ­serbisyong-pinancial sa mga ­retiradong sundalo ng AFP at ­kanilang mga benepisyaryo.

Disclaimer: The views and opinions expressed above are those of the author and do not necessarily represent the views of FINEX, ­CSBank, and of PILIPINO Mirror.