EPEKTO NG TRAIN 1, PAG-ARALAN-OBISPO

Bishop Broderick Pabillo

NANAWAGAN  si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo sa pamahalaan na masu­sing pag-aralan ang epekto sa mamamayan, partikular na sa mga mahihirap na sektor, ang ipinatupad na reporma ng pagbubuwis o ang Tax Reform for Accelaration and Inclusion (TRAIN) Law 1 bago muling ipatupad ang TRAIN 2.

Ginawa ni Pabillo ang panawagan sa kabila ng pansamantalang pagsuspinde ng pamahalaan sa pagpapataw ng buwis sa mga produktong la­ngis sa pagpapatupad ng TRAIN Law 2 sa susunod na taon.

“Panawagan natin bago pumunta sa TRAIN 2, tingnan muna natin ang epekto ng TRAIN 1 lalo na sa mga mahihirap,” ani Pabillo, na siya ring chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)- Episcopal Commission on the Laity, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Iginiit ni Pabillo na dapat itama ng kasalukuyang administrasyon ang mga maling epekto ng TRAN 1 tulad ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa na labis nagpapahirap sa mamamayan.

Aniya pa, ang dapat hangarin ng pamahalaan ay ang ikabubuti ng sambayanan lalo sa mga dukha na kulang sa kakayahang pinansiyal upang tustusan ang mga pangunahing panga­ngailangan ng kanilang pamilya.

Bagamat nanindigan ang pamahalaan na ang pagtaas ng presyo ng langis ay dulot ng pabago-bagong presyo nito sa pandaigdigang pamilihan, iginiit naman ng iba’t ibang sektor sa bansa na nakadaragdag ang ipinataw na buwis sa petrolyo sa pagtaas ng pres­yo ng mga bilihin gaya ng bigas na pangunahing pagkain ng mga Filipino.

Una nang tinutulan ng mga lider ng Simbahan ang reporma sa pagbubuwis ng pamahalaan sapagkat malaki ang magiging epekto nito sa mahihirap na mamamayan.   ANA ROSARIO HERNANDEZ