TUMAAS ang presyo ng ilang mga pangunahing bilihin tulad ng gulay at isda na epekto ng bagyong Tisoy at ng Kapaskuhan.
Nanalasa ang bagyong Tisoy sa ilang bahagi ng bansa lalo na sa southern Luzon at northern Visayas.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, ang bagyo at ang Kapaskuhan ang dalawang pangyayari na nagdulot ng mataas na demand para sa mga pangunahing bilihin.
Nag-inspeksiyon ang kalihim sa Muñoz Market sa Quezon City kahapon.
Tumaas ang presyo ng galunggong, na tinawag na isdang pangmahirap sa P360 bawat kilo mula sa dating P280.
Binanggit ni Laban Konsyumer Inc. president Vic Dimagiba na ang suggested retail price (SRP) ng galunggong ay P160 bawat kilo.
“In case nakakalimutan na nila, mayroon tayong nakatakdang SRP na P160. That’s profiteering already,” sabi niya.
Para kay Dimagiba, ang solusyon ay ipatupad ng local government units ang kanilang police powers kaysa magdepende sa Department of Agriculture at sa Trade and Industry.
“‘Yung LGU, local government unit, baka sila pa ang may malaking maitulong sa mga konsyumer. Sila mismo puwede nilang ipairal ‘yung mga suggested retail prices na ‘yan,” sabi ni Dimagiba.
“Kung aasa ka sa Department of Agriculture at saka sa Department of Trade and Industry—now you see them, now you don’t. Kaya ganyan ang presyo ng galunggong. Puwede makiusap tayo sa kanila, local na pamahalaan… Manghuli naman sila, pairal nila ‘yung itinakda nilang SRP,” pagdidiin nito.
Sinabi ni Dar na inaprubahan na niya ang importasyon ng 45,000 metric tons (MT) ng maliliit na pelagic fish, kasama ang galunggong. Kung hindi bababa ang presyo, puwedeng itaas ang volume ng importasyon 100,000 MT.
Tumaas din ang presyo ng manok ng P10 sa nakalipas ng buwan.
Gayundin ang presyo ng tinatawag na “gulay Tagalog” samantalang ang “Baguio vegetables” ay bumaba.
Narito ang mga presyo ng gulay sa Muñoz Market:
Sibuyas– P160 bawat kilo mula sa P100; kamatis– P50 bawat kilo mula P40; okra – P120 bawat kilo mula sa P80; talong – P120 bawat kilo mula sa P80; chili peppers – P200 bawat kilo mula sa P150; cauliflower – P100 bawat kilo mula sa P150; broccoli – P100 bawat kilo mula sa P150; Pechay Baguio – P50 bawat kilo mula sa P80.
Samantala, pinintasan ni Dar ang presyo ng imported rice na nanatili sa P40 hanggang P45 bawat kilo. Ang presyo ng imported rice aniya ay mababa sa P36 bawat kilo.
Sa kabilang banda, ang presyo ng local rice, ay ibinebenta sa P32 hanggang P35. Ang NFA rice ay mabibili naman sa P27 bawat kilo. AIMEE ANOC
Comments are closed.