(Epekto sa workers vs COVID-19) AKSIYON NG FINANCIAL MANAGERS KAILANGAN

NANAWAGAN si Senador Ramon Bong Revilla sa mga financial manager ng pamahalaan na gumawa ng aksiyon sakaling lumala ang sitwasyon laban sa coronavirus disease ( COVID-19).

Ani Revilla, habang malinaw sa deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuloy ang trabaho at wala dapat agam-agam sa pagkawala ng hanapbuhay, marami na ang tumitingin sa posibilidad na gayahin ng gobyerno ang ginawa ng bansang Italy.

Partikular na tinukoy ng senador ang ginawang pagsuspinde sa mortgage payments at ilang bayarin ng nasabing bansa.

Ang pahayag ng senador ay layon na mapagaan ang hirap na posibleng maranasan ng mga kawani ng pamahalaan at pribadong sektor sa magiging epekto nito sa pananalapi, ekonomiya at maging sa institusyon.

“Mabuti nang maging handa at may malinaw at pinag-isipang plano kung sakaling dumating ang pangangailangan,” diin ni Revilla.

Nangangamba ito sa naging deklarasyon na isailalim sa community quarantine ang National Capital Region (NCR) na kung saan maraming manggagawa ang maaapektuhan. VICKY CERVALES