NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna ng equality and respect para sa mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual, transgender and queer (LGBTQ+) community. Ito ay kasabay ng pagsisimula ng “Manila Summer Pride” celebration kung saan may libreng concert ngayong Sabado (April 20).
Sinabi ni Lacuna na sa Maynila, ang panawagan ay suportado ng City Ordinance 8695 na nagpahayag ng pagkakaloob ng proteksyon ng nasabing sektor kung saan ang talento, kapabilidad at kakayahan ay kinikilala ng pamahalaang lungsod.
Binigyang diin ng alkalde ang paniniwala na lahat ay entitled sa equal rights and opportunities, kahit na ano pa ang kanyang kasarian o sexual preferences.
Ayon pa kay Lacuna, ang celebration ay pangungunahan ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila head Charlie Duñgo at dahil dito ay hinikayat niya ang lahat ng LGBTQs sa Maynila na tumulong sa nasabing pagtitipon upang maging matagumpay.
“Naniniwala ako bilang isang Ina na kahit sino ka pa, kahit ano ka pa, may puwang ka sa mundo, may silbi ka sa mundo. Basta’t ang pananaw natin sa buhay ay wala tayong tinatapakan, wala tayong pinagsasamantalahan, may paggalang tayo sa karapatan ng bawat isa at may pananagutan tayo sa malayang pamumuhay,” pahayag ng alkalde.
Sinabi pa ng lady mayor na sa Maynila, maraming mahahalagang posisyon sa local government ay hinahawakan ng mga miyembro ng LGBTQ+ at episyente nila itong nagagampanan.
Samantala, inaanyayahan ng alkalde ang lahat ng Manileño na dumalo sa libreng concert na inorganisa ng DTCAM na suportado naman ng ‘Beshies ng Maynila.’
Ayon naman kay Dungo, maraming nakalinyang artists na magpe- perform para sa Manila Summer Pride Concert na magsisimula sa ganap na 6 p.m. sa Bonifacio Shrine katabi ng Manila City Hall. VERLIN RUIZ