PANSAMANTALA munang isasara ng Philippine General Hospital (PGH) ang kanilang emergency room (ER) upang bigyang-daan ang pagsasailalim nito sa renobasyon, simula ngayong Hunyo 1.
Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas Del Rosario, walang ibinigay na eksaktong panahon, ngunit posibleng abutin ng mula apat na buwan hanggang isang taon, bago tuluyang matapos ang naturang renobasyon.
“They did not give us the exact time, how long the duration will be for the renovation but it will be approximately… the earliest time would be 4 months. Realistically, it’s probably going to be more than that, maybe roughly about a year,” pahayag ni Del Rosario.
Kahit naman sarado ang ER, ang mga pasyenteng isusugod sa PGH ay tatanggapin pa rin ngunit sila ay gagamutin sa itatayong makeshift ER sa Ward 14.
Dahil limitado lamang ang kapasidad nito, ang maaari lamang nilang tanggapin ay yaong mga pasyenteng tunay na emergency ang kalagayan o nangangailangan talaga ng agarang lunas, tulad ng mga dumanas ng trauma, heart attack at stroke.
Tiniyak naman ni del Rosario na hahanap sila ng ibang pamamaraan upang ma-absorb ang mga naturang ‘emergency patients’ tulad ng paglalagay sa kanila sa ibang lugar sa PGH.
Kinakailangan din ng masusing koordinasyon sa paglilipat ng mga pasyenteng mula sa malalayong lugar sa PGH dahil sa posibilidad na hindi sila matanggap sa PGH.
“The other thing is, the transfers from other hospitals really have to be coordinated. They cannot just bring a patient, let’s say from a far-flung province or hospital, to go to PGH because there’s a possibility that they could not be entertained or admitted, we don’t really want to do that,” aniya pa. “But the real emergencies like trauma, heart attack, stroke, definitely we will attend to this and we will stabilize these patients, and if we can absorb them and admit them then we will. But if not, we have to transfer them to other hospitals.” ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.