MAY kasabihan sa wikang Ingles, “If it ain’t broke, don’t fix it”. Ang ibig sabihin lamang nito ay kung hindi naman sira, huwag ayusin.
Nasabi ko lamang ito bilang bungad sa isyu ng Energy Regulatory Commission (ERC) na nakialam sa usapan ng Power Supply Agreement (PSA) sa pagitan ng San Miguel Global Power at ng Meralco.
Nagtataka lamang ako dahil ang PSA ng SMC at Meralco ay dumaan sa regulasyon ng Department of Energy na tinatawag na competitive selection process o CSP. Sa ilalim ng CSP, kailangang dumaan ng tinatawag na bidding upang makuha ang pinakamagandang presyo na magiging abot- kaya para sa mga konsyumer. Ito ay ayon sa DoE Circular No. DC201S-06-0008, “mandating all distribution utilities to undergo a competitive selection process in securing power supply agreements”.
Kaya naman noong isinagawa ang nasabing CSP, pinag-aralan ito nang maigi ng mga generation companies na nais pumasok sa PSA ng Meralco. Dahil dito, ibinaba nang husto ng SMC ang kanilang presyo ng koryente. Pero alam naman ng SMC na kahit ibinaba nila ang alok na presyo ng koryente sa Meralco, maski papaano ay kikita sila. Eh wala naman papasok sa isang negosyo kung alam nilang malulugi sila. Hindi po ba?
Noong September 2019, nakuha ng SMC ang PSA sa Meralco na umabot ng 1000MW. Dalawa ang planta ng SMC ang nagsusuplay nito. Ang Ilijan Plant sa Batangas na magbibigay ng 670MW at 330MW naman na magmumula sa planta nila sa Sual, Pangasinan. Matatapos ang kasunduan hanggang 2029.
Ayon sa aking ‘Marites’, malaki ang kinita ng SMC sa unang sigwada nila sa nasabing PSA sa biglaang pagbagsak ng halaga ng dolyar sa merkado. Ganoon pa man ay hindi sila nagbaba ng presyo ng kanilang koryente batay sa nasabing PSA.
Ngunit ang hindi nila nakita, kasama na rin ang buong mundo, ay ang epekto ng pagtama ng COVID-19 na umabot sa lebel na pandemya. Bumagsak ang ekonomiya ng mga bansa at marami ang nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng ilang mga establisimiyento. Ultimong presyo ng langis ay tumaas noong mga panahon na ito.
Ito ang maaaring dahilan kung bakit naglabas ng utos ang ERC na hindi nila pinahintulutan ang SMC na magtaas ng singil ng kanilang koryente. Ito raw ay upang hindi magkaroon ng dagdag pasanin ang ating mga mamamayan. Ayon naman sa SMC, ang kautusan na ito ay magdudulot sa kanila ng bilyong pisong lugi.
Tama ba ang ginawa ng ERC? Nakatulong ba itong kautusan sa pangmatagalan na maaaring makaapekto sa ating ekonomiya o panandaliang solusyon lamang ito?
Ang Infrastructure-oriented think tank Infrawatch PH ay nagbigay ng pahayag na ang ERC ang dapat sisihin kapag malaki ang itataas ng singil ng koryente pagpasok ng 2023. Ayon sa kanila, maaaring makatipid ng koryente nitong
Kapaskuhan subalit ang buwelta nito ay sa malaking pagtaas ng singil sa Enero.
Nagbigay babala si Terry Ridon, Infrawatch PH convenor, na maghanda tayo bilang resulta ng paghinto ng SMC sa kasunduan nila sa Meralco na mag-supply ng koryente simula ngayong buwan.
“This is certain: energy regulators will face a crisis as soon as the January power bills arrive at the doorsteps of ordinary households. How will they explain to struggling families that they were ultimately responsible for the price hikes?” ang sabi ni Ridon.
Dahil sa suspensiyon ng PSA, mapipilitan ang Meralco na kumuha ng karagdagang supply na manggagaling sa electricity spot market, na maaaring sumipa ng 75% kung pagbabasehan ang orihinal na PSA ng SMC. Kaya pinagpapaliwanag ni Ridon ang ERC sa sambayanan kapag naramdaman ito sa buwan ng Enero.
Kaya naman ito ang tanong ko. Makabayan ba o makakagulo ang ERC sa kanilang kautusan laban sa SMC na nagresulta sa suspension ng usapan sa Meralco? Abangan!