SEOUL – UMABOT na sa 177 katao ang nasawi nang bumaligtad ang isang eroplano at nagliyab matapos bumangga sa pader ng Muan International Airport sa South Korea nitong Linggo.
Habang dalawang crew members ang nailigtas, ayon sa ulat ng National Fire Agency,
Ayon sa Ministry of Transport ng South Korea, ang aksidente ay naganap dakong alas-9 ng umaga habang papalapag ang Jeju Air flight 7C2216 mula Bangkok, Thailand lulan ang 181 pasahero at anim na tripulante.
Sa mga ibinahaging video ng local media, nabatid na ang eroplano ay nagtuloy-tuloy sa runway na walang landing gear bago bumangga sa pader at nag-apoy.
Ipinakita rin sa mga larawan ang makapal na usok at apoy na bumalot sa ilang bahagi ng eroplano.
Ayon sa transport ministry, karamihan sa mga pasahero ng Jeju Air flight ay mga South Koreans na pawang turista na may edad 40’s; 50’s at 60’s at dalawang Thai nationals kung saan ang pinakabata ay 3 taong gulang habang 22 naman ang kasalukuyang kinilala na.
Ayon sa National Fire Agency, aabot naman sa 1,562 katao ang tumutulong sa nasabing sakuna kung saan kabilang na ang 490 miyembro ng fire department at 455 police officers ang ikinalat sa nasabing lugar.
Ang eroplano ay isang Boeing 737-800 jet na pinapatakbo ng Jeju Air.
Patuloy na iniimbestigahan ng airline ang mga detalye ng aksidente kabilang ang naging sanhi nito at ang kabuuang bilang ng mga nasawi, ayon sa tagapagsalita ng airline.
Sa pangyayaring ito, idineklara ni South Korea acting President Choi Sang-mok na special disaster zone ang Muan kaugnay sa malagim na trahedya kung saan ang central government funding ay available na sa local government at mga biktima.
“We have a grave situation where a great loss of life ocurred after a plane went off the runway in Muan airport this morning” pahayag ng presidential office.
“I express my deepest condolences to the many victims in the incident. I will do all I can for the injured to quickly recover. I give my condolences to the victims and give my sincere regards to the bereaved families.” dagdag pa ni Choi.
RUBEN FUENTES/ MHAR BASCO