NABUKSAN ang runway 13-31 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos na pansamantalang ipinasara ng Manila International Airport authority (MIAA) nang aksidenteng nabalahaw ang Airbus A320 ng Jetstar sa may damuhang parte ng naturang runway.
Ito ay matapos na maalis sa nabanggit na runway ang nasabing eroplano na patungong Japan.
Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Spokesperson Eric Apolonio, pasado alas-10:30 kahapon ng umaga nang matanggal na ang nasabing Airbus 320 aircraft na halos walong oras na pagkakabaon ng harapang gulong nito sa damuhang bahagi ng runway ng paliparan.
Nabatid na pasado alas-2:00 kahapon ng madaling araw nang mag-overshoot ang eroplano ng Jetstar at bumaon ang harapang gulong sa damuhang bahagi ng runway.
Ang naturang Airbus 320 ay papuntang Narita sa Japan na lulan ang 140 na mga pasahero nang hindi maka-take off dahil nahulog ang landing gear nito at nagtuloy-tuloy sa madamong lugar ng NAIA domestic runway.
Wala namang napaulat na nasaktan at ligtas ang 140 na mga pasahero kasama ang isang maliit na bata na agad na nakababa at isinakay sa isang shuttle bus pabalik sa Terminal 1.
Batay sa ulat, nag-take off ang Jetstar Asia flight GK40 ngunit nag-over shot ito kaya’t hindi makontrol ng piloto ang front at right landing gear na naging sanhi ng paggulong sa malambot na parte ng runway.
At dahil dito, pansamantalang ipinagamit muna ang international runway 06-24 para sa mga domestic flight.
Agad naman na nagtungo ang MIAA Fire and Rescue and Operations teams sa pinangyarihan para sa rescue operation sa mga sakay ng naturang eroplano.
Gayundin, personal na nagpunta sa area sina Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal at CAAP Director General Jim Sydiongco para mapangasiwaan ang paghatak ng eroplano sa maintenance center ng airport.
Naging abala ang NAIA maintenance crew sa isinasagawang clearing operation sa runway at pagsasaayos ng nasirang runway lights.
Pansamantalang nag-isyu ang CAAP ng Notice to Airmen (NOTAM) para sa closure ng operation ng Runway 13-31 at patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Aircraft Accident Investigation Inquiry Board(AAIIB).
Sa pangyayaring ito, tatlong Manila-bound flights anginilipat sa Clark International Airport sa Pampanga kabilang ang Cebu Pacific flight 5J269 mula sa Xiamen, Cebu Pacific flight 5J580 mula sa Cebu at Air Asia flight Z2889 mula sa Seoul.FROILAN MORALLOS