DALAWA sa sumisikat na ‘big men’ sa PBA ang pararangalan ng PBA Press Corps sa 25th anniversary celebration ng Annual Awards Night nito.
Tatanggapin nina John Paul Erram at Vic Manuel ang dalawang traditional awards na igagawad ng mga sportswriter na regular na nagko-cover sa PBA beat sa Enero 21 sa Novotel Manila Araneta Center.
Ang 6-foot-8 na si Erram ay pararangalan bilang Defensive Player of the Year, habang si Manuel, kilala bilang ‘Muscleman’, ang napiling Mr. Quality Minutes sa okasyon na handog ng Cignal TV.
Si Erram, napabilang sa Mythical 2nd team sa unang pagkakataon sa kanyang career, ay nangunang shot blocker noong nakaraang season na may average na 1.9 per game habang naglalaro para sa Blackwater. Nasa NLEX ngayon, bumandera siya sa departamento sa Philippine Cup at Commissioner’s Cup (sa locals), habang pumangatlo sa Governors’ Cup.
Tubong Licab, Nueva Ecija, ang 6-foot-4 na si Manuel ay nagmula sa bench sa lahat ng 50 games na kanyang nilaro para sa Alaska at may average na 16.0 points at 4.8 rebounds bilang leading force ng Aces kasunod ng pag-trade kay star player Calvin Abueva.
Makakasama nina Erram at Manuel sa honor roll list ang kauna-unahang PBA D-League Finals MVP awardees ng 2018 sea-son.
Si top rookie pick CJ Perez ng Zarks-LPU Jawbreakers ang nagwagi sa Aspirants Cup, habang ang Foundation Cup ay napunta kay Gab Banal ng Go For Gold.
Nauna nang inanunsiyo bilang mga awardee sina Stanley Pringle (Scoring Champion), Chris Tiu (Breakout Player of the Sea-son), Barangay Ginebra-Rain or Shine triple overtime thriller (Game of the Season), Order of Merit (June Mar Fajardo, Paul Lee, Vic Manuel), All-Rookie team (Jason Perkins, Christian Standhardinger, Paul Zamar, Robbie Herndon, Jeron Teng), at ang All-Interview team (Christian Standhardinger, Chris Tiu, Chris Ross, Mike Digregorio, Joe Devance, Yeng Guiao).
Ipagkakaloob din ang Virgilio ‘Baby’ Dalupan Coach of the Year award, ang Danny Floro Executive of the Year plum, ang Presi-dent’s Award, at ang kauna-unahang Lifetime Achievement Award.